Sunday , December 22 2024

Deklarasyong ‘di pinag-isipan

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BANNER kahapon sa front page ng isang malaking pahayagan ang pangako ng Pangulo na reresolbahin ang problema ng industriya ng asukal sa bansa, na ayon sa kanyang pagkakaalala, ay maraming taon na raw napapabayaan.

Binitiwan ni BBM ang pangakong ito sa Talisay City nitong Linggo habang nakikisaya sa makulay na dagsa ng mga nakisaya sa MassKara Festival sa pusod ng lalawigan na pangunahing nagpo-produce ng asukal, ang Negros Occidental.

Sa malas naman, napag-alaman kong dumating at umalis siya nang hindi man lang umano nakipagdayalogo sa pamunuan ng industriya ng asukal sa probinsiya. So, ano ang ibig sabihin ngayon ng kanyang ipinangako bilang Agriculture Secretary at bilang Presidente? “Hala bira!”

*              *              *

Batay sa report ng mga pulis na nag-iimbestiga, ang kontrata para patayin ang radio commentator na si Percy Lapid ay sinelyohan daw ng dalawang umano’y “middlemen” – si Jun Globa Villamor, na nakapiit sa New Bilibid Prison; at si Christopher Bacoto, bilanggo sa isang pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) facility – na nakipagtransaksiyon sa mga hitmen sa pamamagitan ng tawag sa mobile phone.

Mapapatanong ka: “Hindi ba’t bawal ang cellular phones sa loob ng piitan, lalo na para sa mga persons deprived of liberty o PDLs?”

Magugulat kayo kapag nalaman ninyong sa NBP pa lamang, daan-daang mobile phones ang nasa pag-iingat ng mga PDLs. Ayon sa aking mga bubuwit, gagastos ang PDL ng P100,000 o higit pa para makapagpuslit ng mobile phone sa loob ng bilangguan. Isa ito sa mga kumikitang kabuhayan sa loob ng Munti bukod sa bentahan ng ilegal na droga, anang aking sources.

Bagamat walang isa man ang naging dahilan sa pagkakasuspende sa puwesto ni Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag, dapat na ikonsidera ang mga ito bago siya pabalikin sa tungkulin.

*              *              *

Para sa akin, katangahan ang inihayag kamakailan ni Brigadier-General Kirby Kraft sa SuperRadyo DZ Dobol B na ‘naresolba na’ raw ang kaso ni Lapid. Paano naman mangyayari iyon, e ni hindi nga matukoy ng kanyang investigation team kung sino ang utak sa krimen?

Ngayon na ang mamamahayag na si Roy Mabasa, kapatid ni Lapid, ang tumatayong kinatawan ng naulilang pamilya sa pananawagan ng hustisya para sa pinaslang na beteranong broadcaster, siya man daw ay nakatatanggap na rin ng banta sa kanyang buhay. Malinaw naman na ang nasa likod nito ay siya ring nagpapatay kay Percy.

Maliban na lang kung ibibigay ni Kraft ang pangalan ng tao, kompleto sa mga ebidensiyang susuporta sa kompirmasyon nito, mas mabuti pang tigilan na ng heneral ang pagpapangalandakan ng kunwaring positibong balita.

*              *              *

Si Jun Globa Villamor, ang bilanggong itinuro ng self-confessed gunman na si Joel Escorial bilang “middleman” na nakipagtransaksiyon daw sa kanila mula sa NBP, ay kinompirmang namatay sa parehong araw na iprinisinta sa media ng grupo ni Kraft nitong Oktubre 18 ang umano’y hitman.

At gaya ng hindi pinag-isipang deklarasyon ni Kraft na ‘naresolba na’ raw ang kaso nang hindi natutukoy ang utak sa krimen, agarang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media na “walang senyales na may foul play” sa pagkamatay ni Villamor.

Marahil ang malinaw na nakikita natin dito ay totoong “[there’s] no signs of common sense.”

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …