LUGMOK ang isang overseas Filipino worker (OFW) nang hindi matuloy ang kanyang kasal nitong Lunes, 17 Oktubre, sa bayan ng Alcala, lalawigan ng Pangasinan, dahil nawawala ang kanyang kasintahan isang araw bago ang nakatakda nilang pag-iisang dibdib.
Ayon sa hepe ng Alcala MPS na si P/CMaj. George Marigbay, nagtungo ang groom (itinago ang pangalan sa personal na kadahilanan), alyas Anna (kapatid ng bride) at alyas Marlo (ama ng bride) sa kanilang himpilan upang iulat na nawawala ang kanilang kaanak na kinilalang si Krizel Joy Enriquez, residente sa Brgy. Maraburab, sa nabanggit na bayan.
Si Krizel ay may taas na 5’3″, katamtaman ang pangangatawan, at nakasuot ng kulay rosas na t-shirt at jogging pants nang umalis ng kanilang bahay dakong 10:00 am nitong Linggo, 16 Oktubre.
Kukuha umano si Krizel ng kamias 200 metro ang layo mula sa kanilang bahay ngunit hindi na siya nakauwi.
Ayon sa pulisya, hindi matunton si Krizel at hindi rin matawagan ang kanyang cellphone.
Nabatid na umuwi ng Filipinas ang OFW mula sa Japan para sa kanilang kasal na nakatakdang ganapin 1:00 pm kamakalawa sa Municipal Trial Court ng Alcala.