HINDI nag-atubili ang bagong-saltang kongresista na si MAGSASAKA Partylist Rep. Robert Nazal sa kanyang unang linggo sa kamara.
Sunod-sunod siyang nakipagpulong sa mga opisyal ng administrasyong Marcos upang magampanan ang kanyang tungkulin.
Ilang sandali matapos manumpa ni Nazal, agad niyang binista si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa Maynila. Isununod din niya ang pakikipagpulong kay Transportation Secretary Jaime Bautista at Public Works Secretary Manuel Bonoan.
Ani Nazal, siya ay nag-iikot upang maihabol at mapag-usapan ang mga isyung kailangang tugunan ng kanyang representasyon.
Pinakamahalaga rito ay ang pangkalahatang seguridad sa pagkain, na isa sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., Kalihim rin ng Department of Agriculture (DA).
Nakapila a kanyang iskedyul ang mga pulong sa mga opisyal ng DA upang bigyang pansin ang mga hinaing ng mga magsasaka.
“Sinusuportahan namin ang mga hakbang ng administrasyong Marcos na magpapabuti sa seguridad sa pagkain, at sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, lalo ng mga magsasaka,” sabi ni Nazal.
Nanumpa si Nazal kay Hukom Jose Paneda ng Quezon City Regional Trial Court noong 10 Oktubre, ang araw na binigyan siya ng Certificate of Proclamation ng Commission on Elections (Comelec).
Kahanay si Nazal sa pangkat ni Soliman Villamin, Jr., kinikilala ng Comelec bilang lehitimong pinuno ng Magsasaka PartyList.
Isa ang Magsasaka sa 55 partylists na nanaig noong nakaraang May 9, 2022 elections. Nakatanggap sila ng 272,737 boto, katumbas ng isang puwesto sa Kongreso.
Pagkatapos ng kanyang panunumpa, binati niya si Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Nakipagkita rin siya kina House Majority Leader Manual Jose “Mannix” Dalipe at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Bilang isang negosyante sa agrikultura, isinulong ni Nazal ang sustainable agriculture. Nangunguna ang kaniyang mga kompanya na UAL Bioscience Corporation at Health Wellness Lifestyle (HWL) sa teknolohiya at mga makabagong inobasyon sa agri-business.
Nangako si Nazal, patuloy niyang ipaglalaban ang agrikultura. Siya umano ay magsusulong ng mga batas na tutulong sa pagdami ng ani at kita ng mga magsasaka.