Saturday , November 23 2024
YANIG ni Bong Ramos
YANIG ni Bong Ramos

Apat na buwang allowance ng libo-libong senior citizens na hindi natatanggap, iaabuloy na pamasko o ayuda sa OSCA

YANIG
ni Bong Ramos

PAMASKONG HANDOG na lang daw ng ilang senior citizens sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ang apat na buwang monthly allowance na hindi nila natanggap dahil binura umano ng nasabing tanggapan ang kanilang mga pangalan sa master’s list ng pay-out kamakailan sa 2nd District ng Tondo, Maynila.

Ang apat na buwang monthly allowance na dapat sana nilang tanggapin ay mula buwan ng Mayo hanggang Agosto na nagkakahalaga ng P2,000. Malaking tulong ito para sa kanilang mga pangangailangan.

Ito anila ang unang pagkakataon na maraming senior citizens natin ang inalis at basta binura na lamang ang pangalan sa master’s list ng pay-out sa hindi malamang dahilan.

Mantakin ninyong ilang taon na raw silang tumatanggap ng kanilang monthly pension na tuloy-tuloy at walang problema. Laking gulat na lang nila nang bigla na lamang alisin ang kanilang mga pangalan sa listahan nang walang rason at basehan kung bakit.

Ang tanging paliwanag sa kanila ng mga chairman na nagbibigay ng cash ay tumungo na lang sila sa opisina ng OSCA sa Manila city hall at doon na lang magtanong.

Manatkin ninyong bibigyan n’yo pa ng problema ang matatanda na iintindihin pa ang kanilang pasahe at kanilang makakasama na siyang magiging alalay sa kanilang pagpunta.

Dahil ito ay kanilang karapatan, nagsadya nga sa city hall ang mga senior citizens kahit ang iba ay nakasaklay, umiitsa ang kaliwang paa, malabo ang mata, karamihan ay uugod-ugod na at ilan din ay lulan ng kanilang mga wheelchair. Talagang pinagmukhang kawawa ang ating mga elders.

Halos mapuno ang quadrangle ng city hall sa rami at buong tiyagang naghintay na tawagin ang kanilang mga pangalan para mapakinggan ang paliwanag mula sa OSCA hinggil sa kanilang problema.

Tatlong iba’t ibang rason lang ang sinabi sa kanila ng staff ng OSCA na tila pinag-aralan na at scripted na kung bakit inalis ang kanilang mga pangalan sa listahan. Ang mga rasong ito ay INACTIVE, NON-VOTER at NO E-MAIL AD.

Susmaryosep, napakalawak ng ibig sabihin ng inactive na kapag pinilosopo mo ay hindi na agresibo at hindi na aktibo. Natural e matatanda na para gumalaw-galaw pa… hindi raw botante, may posibilidad ngang hindi makaboto pero bakit kamo, maaaring nakaratay sila sa kanilang higaan o kaya ay hindi makalakad, may masamang nararamdaman kung kaya’t hindi na nakaboboto.

Ang mahalaga rito, sila ay nakatala bilang isang senior citizen, botante, at residente ng kanilang barangay na may pribilehiyong kunin ang kanilang benepisyo.

Ang isa pang rason na sinambit sa kanila ng OSCA ay wala silang E-MAIL from this date until this date, anak ng tupang itim, ano ba ito?

Pakatandaan n’yo, hindi mga millennial ang mga elders kaya’t anong malay nila sa mga E-MAIL at kung ano-ano pang paksa sa modernong panahon, minsan nga ay gagamitin n’yo rin ang inyong mga utak at kung wala naman kayong mga utak ay gamitin n’yo rin ang inyong sentido-kumon.

‘Di rin ba sumagi sa mga isipan ninyo na maaaring sawali pa lang ang city hall ay tao na ang mga iyan, bakal pa lang ang holen ay nandito na sila at itim at puti lang ang nagisnan nilang kulay ng buhok.

Bakit nga ba ang mga senior citizens pa ang ‘napagdiskitahang pagkuhaan ng pamasko’ ng mga damontres? Dahil ba sa sila ay mahina at walang kakayahan upang ipaglaban ang kanilang karapatan?

Ewan din natin, kung kayang gawin ito sa ibang mga tao, na binigyan din ng pribilehiyong tumanggap ng pension tulad ng mga PWD at mga solo parent, mawala rin kaya ang mga pangalan nila sa listahan.

Ano man ang tanong, ano man ang inyong gawin at ano man ang gawin ninyong pakiusap ay wala na rin mangyayari sapagkat hindi rin ninyo makukuha ang inyong P2,000 allowance dahil ito ay nasa mabuti nang mga kamay.

Isa pang bagay na mabigat, ang sasabihin sa inyo ng mga staff ng OSCA, tila may kaakibat pang pagbabanta at ito iyon… asikasohin n’yo lahat ang kailangan at pakiusapan ninyo ang inyong chairman na muling ibalik ang inyong pangalan sa listahan dahil malaki ang posibilidad na habang panahon na hindi n’yo na makuha ang inyong monthly allowance.

Tsk tsk tsk…may puso’t ang mga taong nagsasalita nang ganyan?

Siguradong may magandang ‘pamasko’ na puwedeng umabot rin nang milyon na kanilang paghahati-hatian, ‘di po ba?

Sa takbo ng mga pangyayari, siguradong may hiwaga at milagrong nagaganap sa nasabing departamento na dapat siyasatin at imbestigahan sa lalong madaling panahon. Walang naging ganitong sitwasyon noong panahon ni Yorme Isko Moreno, ewan natin dito sa termino ni Mayora Honey Lacuna?

About Bong Ramos

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …