NALAMBAT sa wakas ang sinabing lider ng isang pusakal na grupong kriminal at ang kanyang tatlong kasapakat na sangkot sa gun running at illegal drug activities nang masakote ng mga awtoridad sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na sina Melvin De Jesus, 38 anyos, lider ng Melvin Serrano Group; Mark Anthony De Jesus, 33 anyos; Kelvin De Jesus, 30 anyos; at Eddie Tornia, 33 anyos, pawang residente sa Gervacio St., Brgy. Hulong Duhat.
Dakong 8:00 pm nang masakote ang mga suspek sa loob ng bahay matapos isagawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group of Northern Metro Manila District Filed Unit (CIDG-MMDFU) ang search warrant operation sa ilalim ng “Oplan Paglalansag” at “Oplan Salikop.”
Ayon kay CIDG-MMDFU chief P/Lt. Col. Jynleo Bautista, habang isinasagawa ang search warrant ay pumalag ang mga suspek at itinulak ang mga operatiba na sina P/CMSgt. Roberto Borromeo, P/SSgt. Jake Balberde, at P/Cpl. Rex Ivan Laurnana bago nagpulasan sa magkakaibang direksiyon.
Hinabol ng mga operatiba hanggang makorner ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .45 pistol, may magazine na kargado ng dalawang bala, isang kalibre .38 revolver, may tatlong bala, at isang itim na bag.
Ayon kay Lt. Col. Bautista, ang operation ay isinagawa sa pamamagitan ng isang search warrant na inisyu ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Antonia Largoza – Cantero sa paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act. (ROMMEL SALES)