UMABOT sa P43.5 milyong halaga ng cocaine, shabu, ecstasy at marijuana ang nakompiska ng Quezon City Police District (QCPD) sa live-in partners sa isinagawang buy bust operation nitong Miyerkoles ng madaling araw sa lungsod.
Kinilala ni QCPD Director BGen. Remus Medina ang mga nadakip na sina Riza Bilbao, alyas Riza, 25 anyos, tubong Sultan Kudarat, Mindanao, at Alvin Rapinian, 26 anyos, kapwa residente sa 16th Ave., Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.
Base sa ulat, dakong 2:30 am nang isagawa ang anti-drug operation ng Cubao Police Station 7 at Masambong Police Station 2 sa bahay na tinutuluyan ng live-in partners.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang bumili ng 1.5 kilong shabu, tinatayang may street value na P10,200,000.
Nang magkaabutan, dinakma ng mga operatiba ang dalawa.
Nakuha sa mga suspek nang 85 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P10,200,000, 35 kilo kush na may halagang P4,900,000, isang kilong cocaine na may presyong P5,300,000 at 7,596 ecstacy na aabot sa P12,909,000 ang halaga, dalawang weighing scale, isang celphone, gayondin ang buy bust money.
Ayon sa mga suspek, sila lamang ang nagsisilbing caretaker ng naturang bahay at tinatawagan sila ng nagpatira sa kanila kung may idedeliber at kanila itong kinukuha at tatawagan din sila kung may kukuha ng package.
Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)