HINDI nakaligtas sa malakas na hampas ng alonang tatlo katao habang nawawala ang kasama nilang teenager sa bahagi ng bayan ng Botolan, lalawigan ng Zambales noong Sabado, 6 Agosto.
Sa ulat na inilabas ng pulisya nitong Lunes, 8 Agosto, nagsisisigaw na humihingi ng tulong ang mga biktima matapos silang tamaan ng malalaking alon habang lumalangoy sa dagat dakong 10:30 am noong Sabado sa Brgy. Panan, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na kabilang ang tatlong biktima sa isang pamilya mula sa Guiguinto, Bulacan na nagtungo sa Zambales upang mag-outing.
Nasagip ng mga staff ng kalapit na resort ang biktimang kinilalang si Donna Santiago, 33 anyos, ngunit idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Natagpuan ang katawan ng isa pang biktimang si Realyn Rosales, 17 anyos; habang narekober ng mga residente kinabukasan dakong 5:00 am ang katawan ni Reynaldo Santiago, 60 anyos.
Samantala, pinaghahanap ang isa pang biktimang si Rein Santiago, 13 anyos, na hanggang ngayon ay nawawala simula noong Sabado.