INIHAHANDA ng QC-run hospitals, ang isolation rooms para sa monkeypox cases.
Ngayon pa lamang ay naghahanda ng isolation rooms para sa mga suspected, probable, at confirmed cases ng monkeypox, ang lahat ng pagamutan sa Quezon City na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga naturang pagamutan ang Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital, at Novaliches District Hospital.
Matatandaang noong Biyernes, kinompirma ng Department of Health (DOH) na naitala na sa Filipinas ang unang kaso ng monkeypox.
Dahil dito, agad naglatag ang Quezon City government ng mga pamamaraan para paghandaan ang posibleng mga kaso ng sakit na matutukoy sa lungsod.
Nabatid, bumuo na rin ang Quezon City Health Department (QCHD) ng response mechanism laban sa virus, kabilang rito ang prevention; early detection; management at isolation ng mga suspected, probable, and confirmed case; at contact tracing.
Kamakailan ay sumailalim ang mga doktor, nurse, at medical personnel mula sa public, private hospitals at health centers sa orientation sa DOH Memorandum 2022-0220 (Interim Technical Guidelines for Implementation of Monkeypox Surveillance, Screening, Management, and Infection 160Z).
Sa naturang orientation, tinuruan sila ng mga kinakailangang impormasyon hinggil sa virus, specimen collection, pagpapadala ng specimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at pagbibiyahe ng suspected cases sa mga itinayong referral hospitals.
Ang Quezon City Epidemiology Surveillance Unit (QCESU) ay nag-organisa rin ng Quick Response Team para sa Monkeypox contact tracing response.
Tiniyak nila ang mga personal protective equipment at iba pang logistical needs ng lungsod para sa contact tracing ay sapat.
Pinayuhan ng QCHD ang mga QCitizens na patuloy na tumalima sa health protocols na itinatakda ng DOH laban sa CoVid-19, dahil ang monkeypox ay maaaring maisalin sa isang tao sa pamamagitan ng close o direct contact (sugat, body fluids, at respiratory droplets). (ALMAR DANGUILAN)