DINAKIP ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang doktor, makaraang ikanta ng gunman na siya ang utak sa pagpatay sa isang kapwa doktor sa Quezon City, noong 15 Hulyo ng taong kasalukuyan.
Kinilala ni QCPD Director P/BGen. Remus Medina ang itinurong utak ng krimen na si Ramonito Chuanito Eubanas, 58, general surgeon, may asawa, residente sa 1827 Taft Avenue, Malate, Maynila, at ang gunman na si Wilmar Pecayra Ocasla, 42, may asawa, nakatira sa Dedeng Junk Shop, matatagpuan sa Tejeros St., Brgy. San Juan 2, Greneral Trias, Cavite.
Ang biktima ay kinilalang si Valentin Garcia Yabes, 43, walang asawa, cardiologist, at naninirahan sa 12 P. Garcia St., AFPOVAI, Taguig City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 4:00 pm nitong 29 Hulyo, nang maaresto ang gunman na si Ocasla sa nasabing junkshop.
Agad inginuso ng gunman ang kinaroroonan ng nag-utos sa pagpatay na si Eubanas, nagresulta sa pagkakadakip nito dakong 10:00 pm nitong Biyernes, 29 Hulyo, habang naglalakad sa Taft Ave., malapit sa kaniyang tahanan sa Malate.
Nakasuot ng uniporme ng pulis nang maaresto si Eubanas. Mariing itinanggi ni Eubanas na may kinalaman siya sa pagpatay kay Yabes.
Ang agarang pagkaaresto sa mga suspek ay dahil sa patuloy na follow-up operations na isinagawa ng pinagsanib na mga operatiba ng CIDU sa ilalim ng susperbisyon ni P/Lt. Col. Mark Julio Abong at Homicide Section na pinamumunuan ni P/Lt. Roberto Ramirez, at P/EMSgt. Romel Merio, Acting Chief General Assignment Section, sa koordinasyon ng Police Regional Office (PRO 4A) at National Capital Region Police Officie (NCRPO).
Nasamsam ng mga awtoridad mula kay Ocasla ang isang granada, damit na suot niya nang barilin ang biktima, at iba pang gamit na tinangka nitong sunugin.
Ayon sa imbestigador na si P/Cpl. Jojo Antonio, noong Sabado, 15 Hulyo, bandang 8: 00 pm nang tambangan at barilin sa ulo si Yabes ng suspek na sakay ng biskleta, may markings na Food Panda, habang papunta sa isang kainan sa Scout Castor, Brgy. Laging Handa, sa lungsod.
Sa tulong ng mga CCTV camera, nasubaybayan ang kilos ng suspek na nakasakay sa bisikleta at nakuhaan ng footage nang magpalit ng damit.
Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan hanggang maaresto ang gunman na si Ocasla, na siyang nagturo kay Eubanas na nagpapatay kay Yabes, umano’y dating kasosyo sa klinika.
Tumanggi si Yabes na maging kasosyo pa niya sa klinika si Eubanas nang malaman na hindi maayos ang pakikitungo sa kanilang mga tauhan.
Kaugnay nito, pinatunayan sa extrajudicial confession ni Ocasla sa harap ng kanyang abogado, si Eubanas ang mastermind sa krimen.
Sa kaniyang salaysay, hindi siya nakatanggi sa utos ni Eubanas dahil libre silang pinapatira sa bahay nito at pinag-aaral ang kaniyang mga anak.
Inihanda na ang mga kaso laban sa mga naarestong suspek. (ALMAR DANGUILAN)