INARESTO ng Bureau of Customs (BoC) Port of NAIA sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADTIG) ang isang claimant ng 927 gramo ng Kush at liquid marijuana na nagkakahalaga ng P1,297,800 milyon sa isang controlled delivery sa Kidapawan City, iniulat kahapon.
Sa ulat ng BoC – Port of NAIA , ang tatlong kilong pakete mula sa Folsom, California ay idineklara bilang “cooking set” na may halagang US$200 na ipinadala ng isang Janice Nguyen sa isang Jude Paolo Javier ng Rizal St., Kidapawan City, na dumating sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong 8 Hulyo 2022 at sinuri noong 12 Hulyo 2022.
Batay sa isinagawang physical examination ng Customs examiners sa CMEC, ang tatlong kilong pakete ay naglalaman ng 927 gramo ng Kush o high grade marijuana at 22 piraso ng vape cartridge na naglalaman ng liquid marijuana, sinabing nagkakahalaga ng P1,297,800 milyon.
Sa pamumuno ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, lumikha ng isang composite team na binubuo ng mga miyembro ng Ports Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) at PDEA operatives upang isagawa ang controlled delivery sa Kidapawan City, na ikinadakip ng consignee na si Javier.
Habang dumarami ang mga parsela at paggalaw ng pakete bilang bahagi ng ‘new normal’ ang Port of NAIA ay nananatiling mapagbantay sa pagpapaigting ng mga hakbang bilang proteksiyon sa mga hangganan nito upang maiwasan ang mga ilegal na kalakal sa bansa upang maging balanse ang koleksiyon ng kita at pagpapadali sa kalakalan. (RR)