HULI sa akto ang anim katao habang ‘naglilibang’ sa pagsusugal ng cara y cruz sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City police chief Col. Albert Barot ang mga inarestong sina Benjiel Carillo, 28 anyos, obrero; Edwardo De Leon, 42 anyos, jeepney driver; Gilbert Abrenosa, 33 anyos; Ruben Asidera, 40 anyos; Mark Isip, 25 anyos, kapwa, garbage collector, at Jerico Lacbayo, 32 anyos, pintor.
Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting, nakatanggap ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 ng impormasyon mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal gambling o cara y cruz sa Calabucab St., Brgy. Tinajeros.
Kaagad nirespondehan ng mga tauhan ng SS2 ang nasabing lugar para alamin ang naturang ulat at pagdating ng mga pulis sa nasabing lugar dakong 6:00 pm ay naaktohan ang anim katao na naglalaro ng cara y cruz.
Inaresto ang mga suspek at narekober sa kanila ng mga pulis ang tatlong pisong barya (pang-kara) at P610 bet money.
Sabi ng mga naaresto, “naglilibang lang naman kami,” upang kahit paano’y mabawasan umano ang kanilang hirap sa pagtatatrabaho ngunit ngayon ay sa kulungan na sila nagpapahinga. (ROMMEL SALES)