DINAKIP ng mga awtoridad ang 50 anyos na construction worker matapos niyang dalhin sa isang lodging inn ang Grade 4 student na 13-anyos na dalagita na hindi naman niya kamag-anak kahapon ng madaling araw sa Navotas City.
Kinilala ang suspek na si Roy Tan, residente ng Vitas St., Tondo, Manila na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 6 ng R.A. 7610 na nagbibigay ng proteksiyon sa mga batang wala pa sa hustong edad at hindi kayang protektahan ang kanilang sarili sa pang-aabuso, sa kapabayaan, sa kalupitan, sa pagsasamantala at diskriminasyon.
Sa ulat na tinanggap ni Navotas City police chief P/Col. Dexter Ollaging, dakong 7:00 ng umaga noong Martes ng magtungo sa barangay hall ng Barangay Daanghari ang isang concerned tricycle driver upang i-report ang ginawa niyang paghahatid sa isang lalaki at batang babae na kanyang naging pasahero sa Econo Lodge sa R.A. Ignacio St. Bacog, Brgy. Daanghari ng dakong 4:00 ng madaling araw.
Kaagad na nagtungo sa naturang lodging inn ang mga opisyal ng barangay at sa tulong ng caretaker ng naturang inn, natukoy nila ang silid na pinasok ng dalawa kaya’t inimbitahan ang mga ito sa barangay hall upang alamin kung miyembro sila ng isang pamilya.
Nang matuklasan na hindi magkaano-ano ang dalawa, inaresto ang lalaki at dinala ng mga opisyal ng barangay sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas police upang maimbestigahan bago i-prisinta para sa inquest proceedings sa piskalya ng Lungsod ng Navotas kaugnay sa kasong isasampa laban sa kanya. (ROMMEL SALES)