IPINAHINTO ng Bureau of Customs (BoC) Port of NAIA ang palabas na kargamento ng iba’t ibang laki ng mga tarantula na mali ang pagkakadeklara bilang ‘thermos mug’ mula sa isang bodega na malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ang palabas na shipment na idineklara bilang ‘Thermos Mug’ sa DHL Express warehouse ay ipadadala nitong 7 Hunyo 2022 ng isang sender na naninirahan sa Pasay City, patungo sa isang recipient sa Italy.
Isinailalim ang package sa 100% physical examination na humantong sa pagkadiskubre ng mga buhay na species.
Ang package ay sinuri ng Customs examiner mula sa NAIA Export Division, kasama ang mga kinatawan ng X-Ray Inspection Project; Enforcement and Security Service (ESS) at iba pang Customs law enforcement group.
Ang mga nasamsam na tarantulas ay isasailalim sa kaukulang seizure at forfeiture proceedings batay sa paglabag sa Sec. 117 at 1113 ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng RA 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Sa paglipas ng mga taon, nakatanggap ang Port of NAIA ng ilang mga papuri mula sa Southeast Asia TRAFFIC para sa napakalaking pagsisikap sa pagharang sa ilegal na kalakalan ng wildlife.
Ang TRAFFIC ay isang nagungunang non-government organization na nagtratrabaho sa buong mundo sa kalakalan ng mga ligaw na hayop at halaman sa konstekto ng parehong biodiversity conservation at sustainable development.
Ang Port of NAIA ay nanatiling mapagbantay sa pagprotekta sa mga hangganan upang matiyak na parehong sinusubaybayan ang mga transaksiyon sa pag-import at pag-export ng mga hayop, lalo ang mga kritikal at endangered species. (RR)