PATAY ang apat Chinese nationals na hinihinalang mga miyembro ng kidnap-for-ransom group sa shootout laban sa mga pulis nitong Lunes ng gabi, 30 Mayo, sa lungsod ng Lapu-Lapu, lalawigan gn Cebu.
Naganap ang insidente nang tangkaing iligtas ng mga pulis ang isang 70-anyos Chinese national sa loob ng isang ekslusibong subdivision sa Brgy. Bangkal, sa naturang lungsod.
Ilalabas ng Anti-Kidnapping Group – Visayas Field Unit (AKG-VFU) ang pangalan ng mga napaslang na Chinese nationals matapos ang imbestigasyon.
Ayon kay P/Lt. Zosimo Ravanes, Jr., team leader ng AKG-VFU, nasa likod ng pandurukot sa isang 70-anyos nilang kababayan ang mga napaslang na banyaga.
Kinilala ni Ravanes ang bitkimang si Lyu Xingou, tubong Fujian, China, dinukot pasado 8:00 am noong nakaraang Miyerkoles, 5 Mayo, sa kaniyang bahay sa Brgy. Lahug, lungsod ng Cebu.
Nabatid, patungo sa kaniyang trabaho ang biktima mula sa kanyang bahay nang lapitan at tutukan ng baril ng isang lalaking nagsasalita ng wikang Chinese.
Kinaladkad ng suspek ang biktima palabas ng kanyang bahay at puwersahang sumakay sa sasakyan.
Iniulat ang insidente sa Mabolo Police Station, na nakipag-ugnayan sa AKG-VFU.
Tiningnan ng mga awtoridad ang kuha ng security cameras sa bahay ng biktima at sa mga kalsadang maaaring dinaanan ng sasakyan ng mga suspek na siyang nagturo sa kanila sa lungsod ng Lapu-Lapu.
Nadiskubre kalauan ng pulisya, may umuupang grupo ng Chinese nationals sa isang bahay sa Brgy. Bangkal, Lapu-Lapu.
Humihingi umano ang mga suspek ng RMB 1,000,000,000 mula sa anak ng biktima na nasa China noong panahong siya ay dinukot.
Bago ang rescue operations, naunang nakapagbigay ang pamilya ng biktima ng RMB 500,000 sa mga suspek sa pamamamagitan ng WeChat na may numerong 0915 6676595.
Dahil sa numero ng cellphone, natukoy at natunton ng AKG-VFU ang safe house ng grupo.
Matapos ang surveillance, ikinasa ang rescue operation dakong 10:00 pm kamakalawa ng AKG-VFU, katuwang ang mga operatiba mula sa Regional Intelligence Division-7, Regional Special Operations Group-7, Special Weapon and Tactics (SWAT) – Lapu-Lapu City, at Highway Patrol Group.
Nang salakayin ng mga rescue team ang bahay, pinaputukan sila ng mga nasa loob ng bahay, hudyat ng shootout.
Umabot ng ilang minuto ang palitan ng putok ng baril mula sa dalawang panig.
Samantala, tinamaan ng bala ng baril ang isang pulis sa kanyang dibdib na nailigtas ng kanyang bulletproof vest.
Narekober mula sa mga suspek ang sari-saring baril na kalibre .45 at 9mm pistola.