BINAWIAN ng buhay ang apat na indibidwal kabilang ang isang pulis, habang sugatan ang dalawang sibilyan, sa barilang naganap sa isang sabungan sa bayan ng Calatagan, lalawigan ng Batangas, nitong Sabado ng gabi, 12 Marso.
Kinilala ang napaslang na pulis na si Pat. Gregorio Panganiban, Jr., nakatalaga sa Calatagan MPS bilang Assistant Finance Police Non-Commissioned Officer at miyembro ng Traffic Patrol Team.
Napatay din sa shootout ang tatlong suspek na sina Joel Herjas, Rolly Herjas, at Gabriel Bahia, pawang mga residente sa Brgy. Biga, sa nabanggit na bayan.
Samantala, sugatan ang mga sibilyang sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway nang taaman ng bala ng baril sa kanilang katawan na agad dinala sa Metro Balayan Medical Center upang lapatan ng lunas.
Ayon sa mga ulat, nakatanggap ang Calatagan MPS ng impormasyon na may mga kahina-hinalang armadong lalaking umiikot sa Calatagan Cockpit Arena pasado 10:00 pm kamakalawa, kaya agad nagpadala ng mga pulis sa lugar upang magberipika.
Lumitaw sa imbestigasyon, planong patayin ng mga armadong lalaki ang isang Michael Comaya, sinabing konsehal ng Lian, Batangas, at ang nagpapatakbo ng naturang sabungan.
Pagdating ng mga awtoridad sa lugar, agad nagpaputok ang mga suspek kaya napilitan silang gumanti na nagresulta sa kamatayan ni Pat. Panganiban at ng mga suspek.
Dinala si Panganiban sa Metro Balayan Medical Center dahil sa tama ng bala ng baril sa kaniyang dibdib ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ni Pat. Panganiban at pagkilala sa kaniyang kabayanihan si PNP Calabarzon Director P/BGen. Antonio Yarra.