ARESTADO ang 61-anyos lolo makaraang suhulan ng malaking halaga ang pulis na umaresto sa kaniyang anak na babae na may kasong estafa at robbery extortion sa loob mismo ng tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), sa Camp Gen. Tomas Karingal, Sikatuna Village, Quezon City.
Sa ulat kay QCPD Director, P/BGen. Remus Medina, ang suspek ay kinilalang si Donato De Jesus, 61 anyos, may asawa, self employed, at residente sa No. 25 Sampaguita St., Tanza Uno, Navotas City.
Sa report, bandang 12:10 pm noong 24 Pebrero, nang maganap ang panunuhol ni Donato sa “Tambayan ng Tik-tik” sa CIDU sa loob ng kampo.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Mark Philip Paule, nitong 23 Pebrero, bandang 1:30 pm, naaresto ng mga awtoridad ang anak ng suspek na kinilala sa alyas na Katherine sa kasong estafa at robbery (extortion) sa Bignay St., Brgy. Quirino 2C Project 2, sa lungsod.
Bandang 4:00 pm ay dumating ang suspek sa CIDU upang asistehan ang kaniyang anak na naaresto pero habang ipinoproseso ang arrest at booking sheet ay nag-alok si Katherine ng halagang P200,000 kay P/SSgt. Alvin Quisumbing kapalit ng pagtanggal ng kasong Robbery (Extortion) laban sa kaniya ngunit tinanggihan ng pulis.
Kinabukasan bandang 12:00 pm, 24 Pebrero, ay bumisita muli si Donato sa kaniyang anak na nakakulong sa CIDU at muling kinausap at inalok si Quisumbing ng P200,000 para alisin ang reklamong Robbery (Extortion) laban kay Katherine.
Muli ay tinanggihan ni Quisumbing ang inaaalok na malaking halaga ni Donato pero nagulat na lamang ang pulis nang buksan sa harapan niya ang brown envelope saka ipinakita ang nasabing halaga at iniabot sa harap ng nabiglang pulis.
Dahil dito, agad inaresto ni Quisumbing si Donato at kinompiska ang perang pilit na iniaalok at isinusuhol sa kaniya.
Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong Corruption of Public Official sa ilalim ng Art. 212, RPC. (ALMAR DANGUILAN)