I-FLEX
ni Jun Nardo
HANGANG-HANGA at saludo sina Cherry Pie Picache at Nikki Valdez sa tapang ni VP Leni Robredo sa gitna ng batikos at fake news, huh!
Para kay cherry Pie, kabutihan ang pinakamataas na uri ng katapangan at personal niya itong nasaksihan kay Robredo.
“Hindi madali ‘yon pero biyaya ‘yon para maisabuhay mo ito. Lahat ‘yon nakita ko at patuloy na ipinakikita ni Leni sa ating lahat!” saad ni Picache.
Women power naman ang tinalakay ni Nikki sa kanyang video message sa gitna ng paratang na hindi kayang pamunuan ni Leni ang bansa.
“Hindi totoo ‘yon. Iba ang lakas ng kababaihan. Hindi ako naniniwala na kahinaan ang pagiging babae. Ang matibay sa kamay na bakal, ginintuang puso at busilak na kalooban,” giit ni Nikki.
Anyway, sa latest audit rating ng Commision on Audit, ang Office of the Vice President ang nakatanggap ng pinakamataas na audit rating.
Kahit maliit ang budget ng OVP, naghahatid pa rin ito ng tulong sa biktima ng kalamidad at ngayong pandemya sa pamamgitan ng Bayanihan E-Konsulta, Vaccine Express at libreng COVID-19 testing at iba pang tulong sa naapektuhan ng pandemya.