NABIGONG muling makuha ni Filipino boxing legend at 8-division world champion Manny “Pacman” Pacquiao ang WBA welterweight belt nang talunin ng Olympic bronze medalist mula Cuba na si Yordenis Ugas via unanimous decision sa T-Mobile Arena, Las Vegas, Nevada nitong Sabado, 21 Agosto (Linggo, 22 Agosto – oras sa Maynila).
Sa kanyang unang laban matapos ang dalawang taong pahinga, nadomina ng batang boksingerong si Ugas ang boxing ring sa pamamagitan ng kanyang mas malilinis na jab at mga suntok.
Napiling humalili ni Ugas, 35 anyos, sa orihinal na kalaban ni Pacquiao na si Errol Spence, Jr., matapos magkaroon ng pinsala sa mata habang nag-eensayo at kinailangan sumailalim sa operasyon.
Sa score cards, nagkaisa ang desisyon ng mga judge pabor kay Ugas sa mga puntos na 115-113 at dalawang 116-112.
“That’s boxing. I had a hard time in the ring making adjustments. My legs were tight. I’m sorry I lost tonight, but I did my best,” pahayag ng 8-division champ at boxing legend matapos ang laban.
Matatandaang tinanggalan ng WBA title si Pacquiao at ibinigay ito kay Ugas pagpasok ng taong 2021 dahil sa hindi pagiging aktibo ng Pambansang Kamao sa boxing.
Gayondin, pinsalamatan ni Ugas si Pacquiao para sa oportunidad na makalaban niya ang boxing legend kahit dalawang linggo lamang ang training niya.
“I told you I am the champion of the WBA and I showed it tonight. A lot of respect for (Pacquiao), but I won the fight,” pahayag ni Ugas.
Usap-usapan ang pagreretiro ni Pacquiao sa boxing matapos ang 72 laban sa loob ng 26 taon simula noong 1995, matapos ang kanyang ikawalong pagkatalo.
Samantala, nang tanungin kung tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2022, sinabi ni Pacquiao na maglalabas siya ng pinal na anunsiyo sa susunod na buwan.