HATAW News Team
KINOMPIRMA ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na pinaplantsa na ang paghahatid sa kanilang lalawigan ng CoVid-19 Vaccine Express na programa ni Vice President Leni Robredo, inaasahang nasa 20,000 drivers ng trisikad, habal-habal, motorcycle, jeepney, taxi, at maging market vendor ang mabibigyan ng bakuna.
Ayon kay Rodriguez, apat na lugar sa CDO ang inisyal na mabibigyan ng bakuna.
“Nag-meeting na kami with OVP, ongoing na ang consultation at ang OVP na ang magpa-finalize,” paliwanag ni Rodriguez, at sinabing ang programa ay papalitan ng pangalan at gagawing Bayanihan E-Konsulta.
Bukod sa CDO, handa rin ang OVP na dalhin ang vaccine express sa ilan pang lugar sa Visayas at Mindanao maging sa Davao City.
Una nang sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, tagapasalita ni Robredo, handa nilang tulungan din ang Davao sa paglaban sa CoVid-19, maliban kung haharangin ni Mayor Sara Duterte at aakusahan ng pamomolitika.
“Ever since ginagawa na ni VP ito. Tulong lang. Game si VP na gawin din ito sa Davao — unless politikahin na naman siya,” nauna nang pahayag ni Gutierrez.
Ipinunto ni Gutierrez na hindi pamomolitika ang ginagawa ni Robredo taliwas sa akusasyon ni Mayor Duterte bagkus aniya, ang Pangalawang Pangulo ang siyang napopolitika.
“Si VP ang pilit hinahatak sa usapin ng pamomolitika habang ang buong focus niya ay nasa pagtulong. Hindi ito photo op o tarp, hindi pabebe na picture kasama ang mga politikong may hawak sa mga lugar na ‘yun,” dagdag ni Gutierrez na nito ang mga CoVid-19 programs ng OVP sa Cebu, Tuguegarao, Palawan, at iba pang lugar na pinakinggan si Robredo sa mga problema ng tao at humanap ng solusyon para rito.
Matatandaan, nagbigay ng suhestiyon si Robredo sa Davao City para gayahin ang sistemang ginawa ng Cebu City para pababain ang CoVid-19 cases matapos magtala ang lalawigan ng pinakamataas na kaso sa buong Southern Mindanao noong unang Linggo ng Hunyo.
Hindi maluwag na tinanggap ni Mayor Duterte ang payo at sinabihan si Robredo na iwasan ang pagbibigay ng advice kung wala naman itong alam sa kung ano ang nangyayari sa ground.
Inilinaw ng kampo ni Robredo, walang political attack sa presidential daughter ang pagpapayo at walang intensiyon na mamolitika.
Sina Mayor Duterte at Robredo ay nakikitang pinakamalapit na magkatunggali sa 2022 election. Bagama’t sinabi ng pangalawang pangulo na bukas siya sa presidency wala pang pinal na desisyon sa usapin. Nanindigan naman si Mayor Sara na hindi siya tatakbo sa pangkapangulo.