Usec, may basbas ng amo, at lawmaker cum presidentiable wannabe
Sa source ng HATAW, ang naturang undersecretary ay pinuno ng isang ahensiya na ‘nakasawsaw’ sa CoVid-19 vaccine information campaign, may P250,000 budget bawat event sa isang lugar.
“Kaya palpak ang vaccine info campaign dahil ang pinagkakaabalahan ni Usec ay pag-iikot sa mga probinsiya para ilako ang kanyang presidentiable,” anang source.
Katuwiran ni Usec, inutusan siyang ‘mag-ikot’ ng kanyang immediate superior at isang mambabatas na may ambisyong maging presidente sa 2022.
Ang siste ni Usec, bukod sa pagtoka ng dalawang troll farm kada probinsiya, inoobliga pa niyang bigyan siya ng VIP accommodation sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Nabatid sa source, nag-1-2-3 kamakailan si Usec sa isang hotel sa Davao City kasama ang isang opisyal din ng ibang kagawaran dahil walang dalang cash.
Nabatid na hindi umano pinasusuweldo, bunsod ng kanyang aberya sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa disallowed travel expenses na umabot sa P2 milyon.
Nakatikim umano ng ngitngit sa may-ari ng kilalang tourist spot sa Dapitan si Usec, ang kanyang immediate superior, at ang misis nang magpalibre ng VIP rooms sa naturang lugar.
Napag-alaman, isang political clan sa Mindanao ang may-ari ng naturang pamosong tourist destination.
Nitong nakalipas na ilang linggo, nainis kay Usec ang isang dating politiko sa Mindanao matapos niyang hiritan ng libreng beach front accommodation nang bumisita siya sa siyudad.
“Hindi pa man nananalo ang kanyang manok, sobrang abusado na ni Usec, akala ko ba ‘galit kami ni Pangulong Duterte sa korupsiyon, droga, at kriminalidad’ ang gasgas na linya ng kanyang presidentiable?” wika ng source.