Digong umamin, bakuna ‘di kayang ipilit sa publiko
LAOS na ang karisma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 16 milyong Filipino na nagluklok sa kanya sa Malacañang noong 2016.
Inamin ni Pangulong Duterte na nahihirapan siyang kombinsihin ang mga Pinoy na magpaturok ng CoVid-19 vaccine.
Ang pahayag ng Punong Ehekutibo ay kasunod ng ulat na isang milyong Filipino na nagpabakuna ng first dose pero hindi na bumalik para sa second dose.
Hinimok niya ang mga naturukan ng first dose ng CoVid-19 vaccine na maglaan ng oras para bumalik sa vaccination center sa takdang oras ng kanilang second dose para magkaroon ng mas malakas na proteksiyon laban sa virus.
“Please find time to go out and line up and show your card to receive the second dose. Nahirapan ako magkombinsi sa Filipino. Kindly follow instructions. Find time at your convenience for second dose. It’s a good protection but not a guarantee that you will not be contaminated,” anang Pangulo sa kanyang Talk to the People kagabi.
Inatasan niya ang mga lokal na pamahalaan na alamin ang dahilan bakit hindi nagbalikan para sa second dose ang maraming naturukan ng first dose ng CoVid-19 vaccine.
Paliwanag niya, hindi pa mawawala agad ang CoVid-19 at sa tagal ng panahon nang paghihintay ng Filipinas para magkaroon ng CoVid-19 vaccine, dapat ay gamitin ito nang tama at ipagpatuloy pa rin ang “Mask, Hugas, Iwas” bilang pangunahing proteksiyon bukod sa bakuna.
Inilarga na kahapon ang pagbakuna sa A4 priority group o essential workers.
Batay sa ulat, umabot sa 1.5 katao ang fully vaccinated habang 4,421,319 ang naturukan ng first dose kaya’t sa kabuuan ay 5,965,651 ang nabigyan ng bakuna mula sa A1, A1, at A3 priority groups mula nang simulan ang vaccination program noong 1 Marso 2021.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 58 milyong mamamayan ngayong taon upang makamit ang herd immunity.