Kankaloo nanguna sa pamamahagi ng ECQ ayuda
NANGUGUNA ang Lungsod ng Caloocan sa buong National Capital Region sa pagtatala ng 96.93% accomplishment rate sa pamamahagi ng enhanced community quarantine (ECQ) ayuda.
Batay sa datos, nasa mahigit P1.295 bilyong pondo ang naipamahagi sa 388,415 pamilyang benepisaryo sa lungsod.
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), naririto ang natapos ng iba pang lungsod sa NCR kahapon, May 3: Quezon City (94.96%), Mandaluyong (92.51%), Navotas (90.68%), Maynila (88.39%), Pateros (87.69%), at San Juan (80.40%).
Sa isinagawang beripikasyon ng Caloocan City Social Welfare and Development Department, ang ibang mga orihinal na benepisaryo ng SAP ay hindi na nakatira sa Caloocan, ang iba ay nasa probinsiya na o nasa ibang bansa.
Ito ay nagbigay-daan upang ipamahagi rin ang benepisyo sa mga miyembro ng 4Ps, registered solo parents at PWDs.
“Sa Miyerkoles, May 5 (ngayong araw), ay sisimulan at agarang tatapusin ang pamamahagi ng ayuda sa mga miyembro ng JODA at TODA o Jeepney/Tricycle Operators and Drivers Associations sa lungsod,” pahayag ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.
Nauna nang sinabi ni Mayor Malapitan, malaking tulong sa mabilis na pamamahagi ng ayuda sa kabila ng pagiging malaking lungsod ang paggamit ng text messaging at iba pang makabagong online digital technology sa scheduling, distribution, at documentation system, na sabay-sabay isinagawa sa barangay mobile caravans, gayondin ang dedikasyon at kakayahan ng mga mag-aaral mula sa University of Caloocan City, na nagsilbing paymasters. (JUN DAVID)