ANG tindi talaga siguro ng mental health issues ni Baron Geisler noong mga nagdaang taon kaya’t ‘di n’ya naikuwento sa media at sa madla na siya pala ang huling tao na nakasaksi sa huling sandali ng buhay ng butihin n’yang ina.
Matatandaang noong mga nagdaang taon ay maraming ulit na napapaaway ang aktor tuwing nalalasing o napagbibintangang nang-haharass ng babae. Madalas siyang makalaboso noon.
Ilang ulit din siyang nagpa-rehab para sa alcoholism.
Sa pagtatapat n’ya kamakailan kay Toni Gonzaga para sa vlog nito, hindi nabanggit ni Baron kung kailan yumao ang kanyang ina bagama’t ayon sa Wikipedia ay noong January 2017.
Gayunman, naipagtapat ni Baron kay Toni na ang ‘di na pagkasaksi ng kanyang ina sa kanyang pagbabagong buhay ang pinakamalaking regret n’ya.
Kuwento ng aktor kay Toni kung paano n’ya nasaksihan ang pagyao ng ina n’yang si Gracia Bayonito, na isang Bikolana:”I was preparing to go to a five-day retreat and I was sober for a while. So I went to her room. Nakaputi ako nito, long hair, may bigote.
“I said, ‘Mom, Baron here. Good boy. I’m gonna go to this retreat, I’ll see you when I get back.’”
Nakahiga ang ina n’ya sa kama at sinubukan daw nitong tumayo at itinaas nito ang dalawang kamay, na parang may gustong sabihin sa kanya.
Pero sa ilang sandali lang, parang tumitirik na ang mga mata ng kanyang ina. Naghagilap daw ang aktor ng pen light at inilawan ang mga mata ng kanyang ina. Parang hindi na raw nakakakita ng liwanag ang nanay n’ya, at tinanggap n’ya ‘yon na senyal na yumao na ito.
Panandalian pa n’yang nabiro si Toni na posibleng inakala ng mom n’ya na siya si Hesukristo dahil sa suot n’yang puti, mahabang buhok, at balbas.
Pagkatapos n’yang magbiro ay nangilid ang luha n’ya.
Patuloy na pagtatapat pa n’ya kay Toni: “My dream kasi noong time na ‘yon was for my mom to see me clean.”
Pero ngayong nagbago na siya, pakiramdam n’ya ay proud na rin sa kanya ang yumaong ina. Ipinagtapat din n’yang kahit na noong yumao na ito ay kinakausap pa rin n’ya na parang nasa harap n’ya.
Nagbago si Baron mula noong umepekto sa kanya ang pagdalo sa mga spiritual retreat at Bible study.
Nakatulong din sa kanya ng malaki ang pagka-counsel sa kanya ng isang babaeng Psychologist sa Cebu noong huli siyang nagpa-rehab.
Napangasawa n’ya ang Psychologist n’yang si Jamie Evangelista. At may isang anak na sila, si Tali.
“My recovery is not for Jamie, it’s not for Tali. It’s for me. Because how can I lead a family if I am not ready, if I am not whole?” pagbibigay-diin ng aktor.
Alam naman ni Baron na may mga tao na duda pa rin na seryoso at permanente na ang pagbabago n’ya. Hindi na siya apektado ng mga ganoong pagdududa. Matindi na talaga ang pananalig n’ya sa Diyos na nagpapatibay naman ng tiwala n’ya sa sarili.
Contract star na rin si Baron ngayon ng Viva Artists Agency. Ang una n’yang naging project sa kompanya ay ang Tililing na tungkol sa mga tao na may mental health issues.
Nanatiling malamig ang ulo n’ya noong panahong iniinsulto ang poster ng pelikula na nakalaylay na parang mga asong nauulol ang dila ng mga pangunahing character. ‘Di siya nakipagsagutan sa mga tumutol sa poster at nagduda na may saysay ang pelikula.
Sana’y mas maraming umiidolo kay Baron na napakahusay na aktor. Alam n’yo bang sa history ng napaka-prestigious na Cinemalaya Independent Festival, siya pa lang ang nakakadalawang best actor na? ‘Yon ay para sa mga pelikulang Jay at Donor.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas