WALA sigurong miyembro ng AlDub Nation (ADN), ang lumang fans club ng wasak nang tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza, na nagkaka-Covid.
Siguro nga ay lahat ng mga mahal nila sa buhay ay nananatiling malulusog at masisigla sa gitna ng lumalalang pandemya. Wala rin sigurong naghihikahos sa kanila. May kaya siguro silang lahat.
Mukhang mas inaatupag ng ADN members ang pagpapalaganap ng umano’y boykot nila sa TV shows na Daddy’s Gurl at Eat Bulaga.
Ongoing pa rin ang boykot nila habang isinusulat namin ito. At buhay na buhay pa rin naman ang dalawang nabanggit na shows. Walang advertiser na nag-pull out dahil sa umano’y boykot ng ADN.
Nagalit ang ADN members dahil nag-guest si Arjo Atayte sa Daddy’s Gurl kamakailan bilang bahagi ng pagdiriwang ng birthday ni Maine, na kapwa pangunahing bituin ni Vic Sotto sa show. Alam naman ng lahat na si Arjo ang boyfriend ni Maine for three years na. ‘Di naman bumagsak ang rating ng show dahil sa umano’y boykot ng ADN.
Damay ang Eat Bulaga sa umano’y ibinoboykot nila dahil doon nabuo ang showbiz love team nina Alden at Maine.
Nagproklama na noon ang ADN na iboboykot nila ang pelikulang Hello Love Goodbye nina Alden at Kathryn Bernardo. Totoo man o hindi na nagboykot sila, naging highest-grossing Filipino for all time ang nasabing pelikula. Kinilalang Box Office King si Alden dahil sa pelikulang ‘yon.
Si Vic mismo ang producer ng Daddy’s Gurl at wala siyang kibo tungkol sa umano’y boykot ng ADN sa show. Ang direktor ng show na si Chris Martinez lang ang nagtitiyagang sagutin ang mga ‘di-bastos na post sa social media tungkol sa paggi-guest na ‘yon ni Arjo sa Daddy’s Gurl.
Nawa’y ‘di makaakit ng COVID sa mga miyembro ng ADN ang ngitngit nila. Kung mayayaman nga sila, sana ay mas yumaman pa sila at tumulong sila sa mga naghihirap nating kababayan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas