NASAMSAM ang isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P7,000,000 mula sa isang 36-anyos boy sa Brgy. Ermita, sa lungsod ng Cebu, nitong Sabado, 6 Marso.
Kinilala ang suspek na si Carlo Magno Tude, nadakip sa ikinasang buy bust operation ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cebu City Police Office (CCPO) pasado hatinggabi kamalawa.
Nabatid ng pulisya na nagtatrabaho si Tude bilang isang delivery boy ng isang courier company at mayroon umanong posibilidad na ginagamit ang kanyang trabaho upang mapagtakpan ang mga ilegal na gawaing may kinalaman sa droga.
Dagdag ng mga awtoridad, inamin ni Tude na galing ang supply ng droga mula sa isang Allen Ramas Badajos, na kasalukuyang nakapiit sa Cebu City Jail dahil sa kasong may kaugnayan sa droga na nadakip sa isang buy bust operation noong 2016.
Ani Tude, may naghahatid sa kanyang bahay ng droga at sa kanya umano ito ipahahatid sa kliyente saka siya babayaran ng P5,000 kada delivery.
Ayon kay P/Maj. Jonathan Taneo, hepe ng CDEU, kayang magbenta ni Tude ng P40-milyong halaga ng shabu kada linggo.
Sa kanilang transaksiyon, pumayag ang suspek na bentahan ang poseur buyer ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Dagdag ni Taneo, isinumbong sa kanila ang mga ilegal na gawain ni Tude sa pamamagitan ng Facebook Messenger at tumagal ng tatlong linggo ang surveillance bago naikasa ang buy bust.
Ayon kay P/Col. Josefino Ligan, hepe ng Cebu City Police Office (CCPO), pinakamalaking halaga ng droga ngayong taon ang nasamsam nila mula kay Tude.