PATAY ang isang 49-anyos kapitan ng barangay sa bayan ng Tapaz, sa lalawigan ng Capiz nang pagbabarilin sa bayan ng Calinog, lalawigan ng Iloilo nitong Linggo, 28 Pebrero.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktimang si Julie Catamin, kapitan ng Brgy. Roosevelt, sa bayan ng Tapaz, Capiz.
Ayon kay P/Capt. Genesis Roque, hepe ng Calinog police, sakay ng kanyang motorsiklo si Catamin pauwi sa kanyang bahay mula sa pagbisita sa isang kamag-anak nang salubungin at paputukan siya ng baril ng suspek na sakay ng isa pang motorsiklo sa Brgy. Malitbog, sa naturang bayan dakong 8:45 ng umaga kahapon.
Ani Roque, mahigit 300 metro ang layo ng pinangyarihan ng krimen sa boundary ng Calinog.
Tinamaan si Catamin ng bala ng Abril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at narekober sa lugar ang apat na basyo ng bala ng baril.
Dagdag ni Roque, nakatatanggap si Catamin ng mga banta sa kanyang buhay at iniulat ang mga ito sa pulisya ng Tapaz.
Samantala, tumangging magbigay ng komento ang hepe ng Calinog police kung may kaugnayan si Catamin sa police raid sa Tapaz at Calinog noong Disyembre 2020 kung saan siyam na miyembro ng katutubong Panay Bukidnon ang napaslang habang 16 ang nadakip nang nagsilbi ang pulisya ng mga warrant of arrest para sa kasong illegal possession of firearms.
Kinondena ni Catamin ang pulisya dahil sa umano ay pagtatanim ng mga armas laban sa mga katutubo bilang ebidensiya.