NANGAMBA ang mga residenteng naninirahan sa baybayin ng mga barangay ng Triunfo at San Roque, sa lungsod ng Ozamiz, lalawigan ng Misamis Occidental, nang makita nilang nagkulay pula ang dagat sa kanilang lugar nitong Linggo ng hapon, 21 Pebrero.
Nagmistulang kulay dugo ang bahagi ng dagat, at ang kulay ay hindi pa rin nawawala hanggang araw ng Lunes, 22 Pebrero.
Paliwanag ni Jessie Chris Apales, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Misamis Occidental, walang dapat ikabahala ang mga residente dahil bahagi lamang ito ng natural phenomena na namumukadkad ang mga tinatawag na cyanobacteria at red algal blooms o mas kilalang red tide.
Sa tuwing magkakaroon ng algal bloom, nag-iiba umano ang kulay ng tubig dahil sa rami ng pigmented algae cells.
Karaniwang makikitang kulay ng tubig na may algal bloom ang kulay berde, pula, brown o dilaw.
Patuloy pang pinag-aaralan ngayon ng ahensiya ang rami ng mga biotoxin na nasa dagat na posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.