BIG night sa Pinoy showbiz ang February 28.
Dalawang major events ang idaraos online: ang Freedom concert ni Regine Velasquez at ang Film Ambassadors’ Night (FAN) ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
At parehong 8:00 p.m. ang simula ng dalawang events.
Paano nangyari ‘yon? Sino ang tumapat kanino?
Noong itanong ‘yan kay FDCP chairman Liza Diño noong online press conference ng FAN, nagulat pa siya na may concert pala si Regine sa Feb. 28. Tapos ay napabungisngis pa siyang nagsabing, ”Baka makapanood din ako n’yan!”
Idinagdag pa n’yang may sarili namang hukbo ng fans si Regine kaya parang ‘di naman makaaapekto sa kanya na may online event din ang FDCP sa gabi ng concert ng Songbird.
Naipagtapat din ni Liza na noong January 15 pa ipinasya ng FDCP Council na sa February 28 idaos ang FAN para magsilbi rin itong closing ceremonies ng Arts Month ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na siyang major partners ng FDCP para sa FAN event nito. (At iisang tao lang ang namumuno sa CCP at NCCA: ang dating film and stage director na si Arsenio “Nick” Lizaso.)
In fairness to Regine, noong February 14 dapat ang concert n’ya. Kinailangan n’yang i-postpone ‘yon dahil ilang araw bago dumating ang Valentine’s Day na-trace na isa siya sa nakasalamuha niya ay nag-positive sa Covid.
Nagpa-test siya, nag-quarantine, pero ilang araw habang naka-quarantine, lumabas ang resulta. Bale “Love Month” naman ang buong February kaya naisip nito na sa 28 ng buwan ituloy ang concert n’ya.
Wala rin siguro siyang malay na Feb 28 din ang big event ng FDCP na a few days ago lang din ini-announce.
Ang FAN ay parangal para sa mga artista at film and television workers na may proyektong nagwagi sa isa o higit pang international film festivals. Bukod sa pagpaparangal, may magagandang intermission numbers sa gabing iyon.
Kabilang sa mga artistang bibigyang parangal sina Dingdong Dantes, Christine Reyes, Lovi Poe, at Allen Dizon.
Ang mga intermission numbers ay magtatampok kina Bamboo, Tres Marias (Bayang Barrios, Cooky Chua, and Lolita Carbon), Bituin Escalante, Beverly Salviejo, Karla Gutierrez, Lawrence Jatayna, at The Pogi Boys.
May special number din na sama-sama sina Ice Seguerra, Juris Fernandez, Princess Velasco, Sitti, Richard Poon, Kean Cipriano and Duncan Ramos will also take place.
Oo nga pala, ayon kay Chair Liza, tuloy na tuloy din ang taunang Pista ng Pelikulang Pilipino sa Setyembre. Umaasa nga siyang sa nasabing buwan ay bukas na ang mga sinehan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas