PANAHON na para tumawa nang tumawa. At alam n’yo bang ayon sa ilang health authorities at spiritual guru, ang pagtawa ng malakas na nagmumula sa tiyan (‘yun ang tawag sa Ingles ay “belly laugh” at “Buddha laugh”) ay nakatutulong sa mental and body health ng tao?
Mukhang alam ng movie producer na si Edith Fider at ni Direk Joven Tan ang kahalagahan ng paghalakhak. Pagkatapos ng spiritual movie nila na Suarez: The Healing Priest, ang handog naman nila na online movie simula sa March 5 ay ang comedy na Ayuda Babes.
Tampok sa pelikula ang sanrekwang beki na ang dating hanapbuhay ay kumanta at magpatawa sa sing-along bars. Pero karamihan doon ay kasalukuyang nakasara dahil sa pandemya.
Ang nasabing movie ang pinakabagong handog ng Saranggola Media Productions. Hatid ng pelikula ang mga kakaibang kuwentong-barangay at kung ano-anong eksena ng madlang people habang naka-lockdown sa bahay at naghihintay ng ayuda. Kaya tiyak na marami ang makare-relate rito.
Ang mga beki ng Ayuda Babes ay sina Joey Paras, Iyah Mina, Juliana Parescova Segovia, Negi, Brenda Mage, Petite Brockovich, Berni Batin, at ang Mash Up Queen na si Ate Gay na kari-release lang ng digital single na May Himala Pala na bahagi rin ng pelikula.
Pero may isang machong aktor na gaganap din na beki sa pelikula, si Gardo Versoza na may titulo na ngayong Tiktok King. Madalas kasi siyang sumayaw sa Tiktok na kasama ang misis n’ya sa tunay na buhay pero mas makembot pa siyang sumayaw kaysa misis n’ya.
Mataray na bading na barangay chairman ang papel ni Gardo. Kasama rin sa pelikula ang babaeng singer na si Christy Fider, at ang mga machong sina Zeus Collins at Bidaman Dan Delgado, with the special participation of Marlo Mortel and Marc Logan.
Ayon kay Direk Joven, bukod sa entertainment value, ginawa niya ang pelikula para ipakita ang katatagan ng mga Pinoy sa pagharap sa krisis.
“Isang taon na tayong may pandemya dahil sa COVID-19 pero nagagawa pa rin nating ngumiti. We take things seriously but we still manage to enjoy our lives, our family, and this is what the movie is all about,” paliwanag ni Direk.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas