MUKHANG walang pagkaubos ang mga paksang makakatas ng mga taga-Summit Media sa isang araw ng dalawang mahabang interbyu kay Johnny Manahan (kilalang-kilala sa bansa na Mr. M).
Ang Summit Media ay isang publishing house na binubuo ng maraming units at isa sa mga ito ay ang showbiz website na PEP.
Ang pinakabuod ng mga naglabasang artikulo ay nilayasan ni Mr. M ang Kapamilya Network dahil nainis siya na pumayag ang higher management na magkaroon ng “shadow talent center” sa ABS-CBN na unti-unting tine-take over ang function ng Star Magic na pinamunuan n’ya ng halos 35 taon.
Ang Star Magic ay ang nagma-manage ng mga talent na karamihan ng nakadiskubre ay mismong ang ABS-CBN. Ang Star Magic din ang nagrerekomenda sa mga artista nila na kunin para sa isang pelikula o regular show sa ABS-CBN at sa iba pang entertainment establishments.
Pero may ilang taon na nga raw, ayon kay Mr. M, na may talents ang mga business unit sa network na nagma-manage na. Binanggit n’ya ang Dreamscape na pinamumunuan ni Deo Endrinal at ang StarHunt na pinamumunuan ni Laurenti Dyogi.
Binanggit din ni Mr. M si Cory Vidanes bilang ang top executive na pumayag na mag-manage ng talent ang ilang business units.
Sa PEP entertainment website nagsimulang maglabasan pa ang mga artikulo tungkol sa pag-alis sa ABS-CBN kaya nakapagtataka na hanggang ngayon ay wala ni isa man sa mga taong nabanggit ang sumagot kay Mr. M. para ipahayag ang panig nila sa nangyari.
Posible kayang kaya unti-unti nilang binabawasan ang impluwensiya ni Mr. M sa network ay dahil hindi na siya kasing epektibo noong bata pa siya? Kung di n’yo pa alam, magsi-74 years old na si Mr. M sa February 11. Halos 35 years siyang opisyal na empleado at ranking executive ng ABS-CBN bilang direktor at pinuno ng talent management arm nito na ang unang pangalan ay Talent Center na sa paglaon ay ginawang Star Magic.
Kung ‘di na nga kasing epektibo na gaya ng dati si Mr. M, sana ay maglabas sila ng ebidensiya. Alam ng lahat na hanggang October last year ay nagdidirehe pa si Mr. M ng Sunday musical variety show ng Kapamilya Network: ang ASAP Natin ‘To.
Nilayasan n’ya ang show para magdirehe ng Sunday Noontime Live (SNL) sa talent fee na P600, 000 per episode.
Sa ngayon, mahirap nang isiping ang pagiging senior citizen ay senyal na ‘di na epektibo ang kakayahan ng isang tao. Ang bagong halal na US president na si Joe Bidden ay lagpas na sa 80 ang edad.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas