MABUTI naman na ngayong 2021 ay pa rin ng mga idolo natin sa showbiz ang pagpapahayag ng paninindigan nila tungkol sa mga isyu na nakaaapekto sa madla.
Isang halimbawa ay ang Kapamilya host na si Luis Manzano, 39, na kamakailan ay tumugon sa tanong sa kanya sa social media tungkol sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Idineklara ng boyfriend ni Jessy Mendiola na naniniwala siya sa pagiging epektibo ng bakuna bilang lunas sa COVID-19. Pero kokonsulta muna siya sa kanyang doktor.
“Ako ‘no, naniniwala ako sa mga bakuna. Naniniwala ako sa, kumbaga, bakunado din ako…” ani Luis sa kanyang Facebook Live nitong Sabado ng hapon, January 16.
“Pero ang sa akin, pakikinggan ko kung ano ang sasabihin ng doktor ko kung anong brand ang pinakamaganda.”
Dugtong na paliwanag n’ya: ”Siyempre, ako mismo dahil hindi ko naman napag-aralan ‘yan, ‘di ko naman alam, kumbaga, ang mga detalye ng isang vaccine.
“Basta sa akin, ang pakikinggan ko kung anong sasabihin ng doktor ko.”
Nagtatanong-tanong na nga siya sa mga eksperto tungkol sa mga vaccine na pinag-uusapan ngayon.
“Inaantay ko siyempre kung ano ang sasabihin nila,” pagtatapat ni Luis.
Kahit na maraming nababasa tungkol sa mga bakuna, iba pa rin kapag ang mga eksperto ang kinonsulta tungkol dito.
“Madali namang magbasa, pero pagdating sa mga detalye ng vaccine, eh, papakinggan ko ‘yung napag-aralan nila nang sobra-sobra.
“Basta ako, whether it be Pfizer, Moderna or Sinovac, basta basically all brands, papakinggan ko kung ano ang sasabihin ng doktor ko kung anong pinaka-okay para sa amin.”
Samantala, rito sa Pilipinas, kontrobersiyal ang Sinovac mula sa China dahil napaulat na mas mababa ang porsiyento ng pagiging epektibo nito kompara sa ibang brands ng vaccine.
May nga nagsasabi rin na ‘di pa kompleto ang clinical trials ng mga bakuna sa China kaya ‘di pa tiyak na ligtas ang mga ito.
Gayunman, ang vaccines na mula sa China ang pinapaboran ng administrasyong Duterte sa pagma-mass vaccination sa Pilipinas.
Samantala, nagpahayag na rin ng opinyon ang ilang celebrities, gaya ng mga artista at politiko, hinggil sa isyu ng COVID-19 vaccine.
Karamihan sa kanila, pinuna ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na minamasama ang pagiging “choosy” ng publiko pagdating sa brand ng vaccine.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas