INILABAS na ng pamunuan ng Metro Manila Film Festival ang listahan ng mga pelikulang ipalalabas sa taunang pista ng pelikulang Filipino.
Kapansin-pansing wala sa listahan ang Praybeyt Benjamin 3, isa sa mga naunang inanunsiyong pelikula, na bida si Vice Ganda.
Sinasabing kumalas ang pelikula sa MMFF, kasama ang dalawang iba pang pelikula, dahil sa samo’tsaring isyu, ayon sa festival organizers.
Noong Hulyo, pinaringgan ni Direk Erik Matti ang pamunuan ng MMFF 2020 dahil sa pagsali nito sa lineup ng Praybeyt Benjamin 3. Ayon sa direktor, tila walang natutuhan ang industriya ng pelikula sa gitna ng pagsasara ng ABS-CBN at paglaganap ng streaming ng foreign films.
Nauna namang napaulat na ayon sa mga source sa Star Cinema, hindi talaga kakayanin ng production team ng Praybeyt Benjamin 3 na mag-shoot, gawa ng mga restriction sa rami ng tao sa set gawa ng Covid-19.
Sayang at wala na ang pelikula ni Vice sa MMFF 2020. Ang mga batang fans ni Vice ay siguradong malulungkot.Nasanay na kasi sila na tuwing Pasko ay may napapanood silang pelikula ng dyowa ni Ion Perez.
MA at PA
ni Rommel Placente