NAWA’Y sa paglaon ay magkasundo rin ang dalawang anak ng retired actress na si Caridad Sanchez.
Nagkakairingan sa ngayon si Cathy Babao, isang grief counselor at Philippine Daily Inquirer columnist, at si Alexander Joseph Babao, bunsong kapatid ni Cathy. Si AJ (palayaw ni Alexander Joseph) ang matagal nang kasama ni Caridad sa bahay ng pamilya.
Nagalit si AJ sa ate n’ya dahil ibinalita nito sa PDI na may dementia na ang kanilang ina na ‘di naman totoo. ‘Di rin nagpaalam si Cathy sa kanilang nila, kay AJ, at sa iba pang miyembro ng pamilya nang magpasya ito na isulat ang kondisyon ng kanilang ina.
Tahasang sinabi ni AJ sa isang post n’ya sa kanyang Instagram (@josef_aleksandr) na kawalan ng respeto sa kanilang ina ang ginawa ni Cathy, bukod pa sa inilagay nito ang kanilang ina sa kahihiyan.
“[it] was done without permission, violating the privacy, legacy and honor of my Mother,” pahayag ni AJ sa kanyang Instagram post bilang reaksiyon sa lumabas na report sa PEP. ph tungkol sa isinulat ni Cathy sa PDI (na siya namang naging batayan ng interbyu ni Mario Dumaual na inilabas sa TV Patrol news program ng ABS-CBN).
Bukod sa pagpo-post ni AJ sa kanyang Instagram, nagpainterbyu rin siya sa PEP.
Hindi dementia ang paminsan-minsang pagkalimot ni Caridad sa ilang bagay, ayon kay AJ, kundi ”mild cognitive impairment” (MCI) na masasabing normal na lang sa isang senior citizen.
Ang isang manipestasyon ng MCI ay ang paminsan-minsang pagkalimot sa ilang pangyayari ng ilang minuto o oras pa lang naganap, halimbawa’y ang pagkalimot kung bakit pumunta sa isang kuwarto sa bahay, o kung saan naipatong ang salamin sa mata. Alam ni AJ na ang clinical term ng mga doktor sa ganoong sitwasyon ay “short-term memory loss.”
Komunsulta sa isang health website ang PEP at napag-alaman nito na ang MCI ay ‘di naman laging tumutuloy sa pagkakaroon ng dementia na isang malala nang kondisyong medikal. Marami nang nakalilimutan ang isang tao na may dementia na.
Hindi na nakikilala ng mga tao na may dementia ang asawa nila at mga anak kahit na matagal na silang nagsasama-sama o nagkikita-kita. Maaaring ‘di na rin nito maalaala ng may dementia ang sarili n’yang pangalan.
Nagbabago rin ang personalidad ng isang tao na may dementia. Nagiging malungkutin, nawawalan nang interes na makipag-usap sa mga tao sa paligid n’ya (dahil ‘di naman niya sila nakikilala), nawawalan ng sigla, ayaw nang gawin kahit na ang mga dati nitong paboritong aktibidad.
Inilahad ni AJ sa PEP na malusog na malusog naman ang kanilang ina, nakakausap nang maayos, at gumagawa ng aktibidad na gaya ng Muay Thai martial arts na sinu-supervise ng isang professional trainer. Naisasama rin si Caridad sa ilang aktibidad sa labas ng bahay. Noong wala pang Covid-19, madalas pang makapamasyal sa mga mall sa Greenhills si Caridad kasama si AJ o kung sino pa mang miyembro ng pamilya.
Nag-post sa Instagram n’ya ng mga litrato at video ni Caridad si AJ bilang ebidensiya nang pagiging malusog pa rin ng retiradong aktres
Bilang isang grief counselor at media writer, ikinatwiran ni Cathy na kaya lang n’ya isinulat ang tungkol sa ina nila ay para makatulong sa mga pamilya na dumaranas, o posibleng dumanas, ng pagkakaroon ng isang kapamilya na may dementia na.
Ang parang problema lang sa pagkakasulat ni Cathy ay deretsahan na nga n’yang sinabing may dementia na ang kanilang ina at napaka-emotional ng pagkakasulat n’ya.
“It’s a long goodbye. Over time, you slowly lose the person. You just prepare for it,” saad ni Cathy sa isa sa mga Instagram at Facebook posts n’ya.
“I believe my mom will be happy, too, knowing she was somehow able to help,” dagdag niya.
Nabasa naman ni AJ ang mga isinulat ni Cathy sa d’yaryo at sa Instagram n’ya. Gayunman, ayaw nitong tanggalin ang mga paliwanag ng ate n’ya, kaya nagbabalak itong idemanda ang sarili n’yang kapatid.
Pahayag ni AJ sa PEP: ”Kung idadaan ko ‘yan sa law, I will do it, because it’s too much. Probably I will do it. In defense of my mother.
“I’m thinking about it. Mukhang dun yata ako pupunta para mabigyan ng justice ‘yung nanay ko.”
Binigyang-diin din ni AJ na marami silang kamag-anak na nagreklamo sa kanya tungkol sa isinulat ni Cathy. Ang dating kasi ng isinulat ni Cathy ay parang malala na si Caridad gayung ang ilan sa kanila ay nakakausap naman nang maayos si Caridad sa cellphone at sa iba pang paraan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas