SA UNANG araw ng klase, nais ni Senadora Risa Hontiveros na magpugay sa ating mga guro sa patuloy nilang pagpapanday sa kinabukasan ng ating bansa sa gitna ng matinding pagsubok at pagbabago bunsod ng epekto ng CoVid-19.
Kasabay ng pahayag ng Senadora ang pagkilala sa ating teachers ang masigasig na panawagang bigyan sila ng sapat na suporta para maisagawa nang matagumpay ang ‘blended learning.’
“Una, dapat siguraduhing may nakalaang pondo para sa medical benefits sakaling magkasakit ang mga guro.
Pangalawa, maglaan ng dagdag na allowance sa internet connectivity at printing ng education materials. At huli, imbes pautang, bigyan sila ng sariling computer na gagamitin sa distance education,” saad sa kalatas ng senadora.
Aniya, dapat gobyerno ang gumastos nito dahil bahagi ito ng kanilang opisyal na obligasyon.
“Bago pa man magbukas ang klase, kahanga-hanga na ang ipinakita nilang pagsisikap at pagsasakripisyo upang matugunan ang ‘new modes of learning.’ That is why we must ensure that our teachers are protected so that learning continues smoothly and no student is left behind.
“A brighter future awaits when we put our teachers’ welfare first. Kasabay ng selebrasyon ng World Teachers Day, ipakita natin sa ating mga guro na hindi lamang ito isang pagkakataon upang alalahanin ang kanilang mga nagawa sa propesyon. Bagkus, ito ay magsilbing hamon upang makamit ng ating mga guro ang karapat-dapat na pag-aalaga, proteksiyon at suporta,” diin ng babaeng senadora
(CYNTHIA MARTIN)