NANAWAGAN muli si Pangulong Rodrigo Duterte sa telecommunication companies sa bansa na ayusin ang serbisyo lalo’t dadagsa ang gagamit ng internet sa pagsisimula ng mga klase sa susunod na linggo.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang public address kamakalawa ng gabi na tila habambuhay na ang reklamo ng mga mamamayan laban sa telcos — ang napakapangit na serbisyo.
“I don’t know how to go about this but may I just appeal to… iyong mga telecommunications to — can you — can you do a better job? Is there life after this kind of service that you are delivering to the public? Kasi kung kaya ko lang na mag-isang salita nandiyan na kaagad, matagal na itong natapos itong problema ng Filipinas,” aniya.
Ilang ulit nang binatikos ng Pangulo ang hindi maayos na serbisyo ng telcos at ang sagot sa kanya ay dulot ito ng masalimuot na permit at approval ng application sa lokal na pamahalaan.
Dahil dito, hinimok ng Pangulo ang kooperasyon ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga pamayanan at hayaan ang telcos na gawin ang kanilang trabaho para maisaayos ang serbisyo.
“Let the telcos do their job, allow them to build the structures, towers if you may, para naman ma-improve nila. It’s a chicken and — chicken and egg thing e. Which comes first. So your cooperation or the zeal of the telcos to do better,” anang Pangulo.
Sa 5 Oktubre ay mag-uumpisa na ang klase sa basic education at ipatutupad ng Department of Education ang blended learning bilang alternatibong paraan ng pagtuturo bunsod ng umiiral na CoVid-19 pandemic. (ROSE NOVENARIO)