“KAILANGAN ng whole-of-nation-approach.”
Ito ang panawagan ni Senate committee on health chairman, Senator Christopher “Bong” Go sa gitna ng CoVid-19 pandemic na nararanasan ng bansa at ng malaking bahagi ng mundo.
Sinabi ni Go, ginulantang ng coronavirus ang mundo kaya aminado siyang learning process araw-araw ang nararanasan ng bansa simula noong kumalat ang pandemya.
Kaugnay nito, inihayag ni Go, sinisikap ng gobyerno na gawin ang lahat para maibsan ang krisis dulot ng pandemya kasabay ng paglulunsad ng mga bagong polisiya at sistema na magbibigay ng kahandaan hindi lang sa kasalukuyang krisis kundi sa mga posibleng susunod pa.
Pinasalamatan din ni Go ang healthcare workers at volunteers sa patuloy na serbisyo lalo ngayong panahon ng pandemya dahil walang katumbas ang sakripisyong kanilang ginagawa.
Ayon kay Go, malaki ang utang na loob sa kanila ng buong bansa, habang umaasang hindi sila mapagod sa pagsisilbi sa mga nangangailangang kababayan sa kanilang expertise.
Aminado si Go, pagod na rin ang medical personnel sa mataas na bilang ng mga CoVid-19 patients kaya kailangan aniya ng Medical Reserve Corps na nakapaloob sa kanyang Senate Bill 1451, na bubuuin ng mga mayroong degree sa kalusugan tulad ng nursing, medical technologist, at iba pang health-related field.
Tatawagin ang mga miyembro ng Medical Reserve Corps sa oras na kailanganin sila ng national government at local government units sa pagtugon sa medical needs ng publiko lalo sa panahon ng national emergencies. (CYNTHIA MARTIN)