KINUWESTIYON ni Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) President Halley Alcarde ang tunay na intensiyon ng dating empleyado ng Panay Electric Company (PECO) na si Jose Allen Aquino sa pagpapakilalang miyembro siya ng kanilang consumer group na nagsasalita laban sa distribution utility na More Electric and Power Corporation (More Power) sa Iloilo City.
Ayon kay Alcarde, si Aquino ay dating kawani ng PECO na nagbitiw dahil hindi nagustuhan ang pamamalakad ng kompanya at makailang beses niyang binabatikos.
Nang mawala sa PECO, bumuo si Aquino ng grupong Power Service Cooperative (PSC) na kalaunan ay nagtangkang kumuha ng kontrata sa More Power ngunit hindi ito naaprobahan.
Makikita sa Facebook page ng PSC na ang deskripsyon sa grupo ay isa itong service cooperative na ang founding members ay mga dating kawani ng PECO kasama si Aquino.
Makikita rin sa FB page ng PSC ang mga retrato ng product presentation nito sa More Power noong 17 Setyembre 2019.
Napag-alaman na makatatlong beses kumandidato bilang city coucilor sa Iloilo si Aquino ngunit hindi pinalad na manalo.
“Dahil hindi natanggap sa MORE Power, nakikipagkutsabahan si Mr. Aquino sa PECO para litohin at linlangin ang power consumers ng Iloilo,” pahayag ni Alcarde.
Nabatid mula sa PSC officers na pinagbitiw na nila si Aquino sa kanilang grupo.
“The PSC Board of Directors made him to file a resignation letter with the coop to allow him focus on his energy watch activities and not to prejudice coop’s operations,” ayon sa PSC officers.
Sa pagpapakilala na kasapi ng consumer group na KBK ay nagsisilbing ‘attack dog’ ng PECO si Aquino laban sa More Power sa pamamagitan ng pagpapalabas ng fake news.
Matatandaan, una nang inalmahan ng mga orihinal na opisyal ng KBK ang paggamit ni Aquino sa kanilang grupo partikular ang pagharap nito sa virtual press conference ng PECO kamakailan at nanawagan sa Energy Regulatory Commission (ERC) na mag-refund ang More Power sa sobrang siningil nito sa systems loss.
Sa isang official statement ng grupo na nilagdaan ni Alcarde, sinabi nitong kanila nang inihahanda ang kaukulang kaso laban kay Aquino dahil sa paggamit niya sa consumer group.
Lumiham na rin ang grupo sa ERC para linawin na hindi sentimiyento ng libo-libong miyembro nila ang mga bintang ni Aquino laban sa More Power gayondin hindi ito kailanman naging konektado o kasapi ng kanilang grupo.
Ang KBK na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ay isang power consumer group sa Iloilo City na koalisyon ng iba’t ibang grupo, kabilang ang Simbahan, transport groups, gayondin ng teachers and parents association.