HINDI bababa sa 60 bahay at pitong mga silid-aralan sa isang public school ang natupok ng apoy sa Barangay Leon Garcia, sa lungsod ng Davao, nitong Huwebes ng umaga, 3 Setyembre.
Ayon kay Davao City Fire District Intelligence and Investigation Section chief, Senior Fire Officer 3 Ramil Gillado, nagsimula ang apoy dakong 3:20 am kahapon sa Sto. Niño Gotamco, na ikinatupok ng pitong silid-aralan ng Leon Garcia, Sr., Elementary School.
Dagdag ni Gillado, nagsimula ang sunog mula sa inuupahang kuwarto ng kinilalang si Roberto Mananlong na pag-aari ni Rose Manguidatu.
Ayon sa ulat ng Davao City Police Office (DCPO), isinumbong sa kanila ng isang saksi na kakaiba na ang kinikilos ni Mananlong gabi pa lamang noong Miyerkoles.
Dakong 2:00 am noong Huwebes, narinig ng saksi ang ingay mula sa kuwarto ng suspek.
Nang puntahan niya ang kuwarto ng suspek, nakita niya si Manonlong na nagbuhos ng gasolina sa sahig saka sinindihan gamit ang lighter.
Agad inilikas ng saksi ang kaniyang pamilya habang tuluyan nang nilamon ng apoy ang mga dingding ng buong bahay.
Agad nadakip ng Sta. Ana Police Station si Mananlong.
Naapula ang sunog dakong 5:00 am.
Ani Gillado, tinatayang aabot ng P1 milyon ang pinsalang dulot ng sunog bagaman walang sinumang naiulat na nasaktan.
Inihahanda ng mga awtoridad ang kasong arson na isasampa laban kay Mananlong na kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Ana Police Station.