WALANG basehan ang apela ng Panay Electric Company (PECO) sa Energy Regulatory Commission (ERC) na maibalik ang kanilang Certificate of Convenience and Necessity (CPCN) at mapayagang muling makapag-operate bilang Distribution Utility (DU) sa Iloilo City dahil wala nang legal na kapangyarihan para gawin ito.
Ito ang paglilinaw ni dating Parañaque congressman Gus Tambunting bilang reaksiyon sa inihaing supplemental motion for reconsideration ng PECO sa ERC noong 22 Mayo 2020 para hilingin na maibalik ang kanilang operational permit upang muling maging power supplier sa Iloilo City sa katuwirang walang technical competence ang More Electric and Power Corp., (More Power), ang kasalukuyang DU.
Ayon kay Tambunting, dating vice chairman ng House Committee on Legislative Franchises, kahit maibalik pa ang operational permit ng PECO ay malinaw na wala na silang pinanghahawakang legislative franchise.
Maging ang alegasyon ng PECO na nagkaroon ng mas maraming insidente ng brownout sa Iloilo City sa ilalim ng More Power ay hindi rin maaaring gawing batayan para maibalik sa PECO ang muling pamamahala sa power supply.
Ipinaliwanag ni Tambunting, ang More Power ang may legislative franchise na iginawad ng Kongreso at inaprobahan ng Malacañang kaya ito lamang ang natatangging DU na papayagang makapag-operate sa Iloilo.
Aniya, ang hinihingi ng PECO sa ERC, na sila muna ang mag-takeover sa Iloilo ay hindi maaaring mangyari.
“More Power is the one with the franchise. More is free to ask the help of PECO if it sees fit but that would be have to be decided by More,” paliwanag ni Tambunting at diniinang hindi na umano pupuwedeng ipagpilitan ng PECO ang kanilang serbisyo dahil natapos na ito.
Si Tambunting ay isa sa mga mambabatas na sumuporta na maalisan ng prankisa ang PECO kasunod na rin ng mga natanggap na ebidensiya ng komite ukol sa kabiguan ng power firm na gampanan ang responsibilidad nito bilang power utility dahil sa isyu ng kaligtasan bunsod ng pagkasunog ng mga lumang electric poles, mataas na singil sa koryente, at hindi maayos na customer service.
Samantala, dumepensa si More Power President and CEO Roel Castro sa taktika ng PECO na ipinalalabas na walang alam ang More Power sa pagpapatakbo ng power company.
Paliwanag ni Castro, sa 142 empleyado ng More Power ay 70 rito ay pawang technical team mula sa PECO na kanilang inabsorb at ngayon ay regular employees na rin ng kompanya.
“There’s no point of saying na hindi alam ng More ang pagpapatakbo ng power company, nagbago lang ng management and resources pero we have the same technical people and engineers manning the whole system,” pahayag ni Castro.
Binira rin ni Castro ang taktikang ginagawa ng PECO para siraan ang More Power, isa na rito ang pagpapalobo ng numero ng naranasang brownout simula 16 Pebrero 2020 hanggang 16 Hulyo 2020.
Para palabasin na incompetence ang More Power, ginawang 412 oras gayong nasa kabuuang 182 oras lamang ang power interruption, malinaw na panlilinlang sa publiko.
“I don’t know what they’re tactics are but one should really have their ethics. More Power will not go to that extent of lying,” pahayag ni Castro.
Sinabi ni Castro, ang technical readiness ng More Power ay kitang-kita sa kanilang naging operasyon simula nang kanilang i-takeover noong Pebrero 2020, pangunahin rito ang rapid response sa mga customer complaints na nasa average na isang oras at 30 minuto kompara sa tugon ng PECO na inaabot nang ilang araw hanggang Linggo para masolusyonan.