PUWEDENG sabihing sikat na siya halos sa buong mundo dahil na-feature na siya sa Huffington Post, isang international online publication.
Nakadaupang palad at nakaharap na rin siya ni Steven Spielberg dahil ang isang audio-visual production para sa global project n’yang A Liter of Light ay ipinalalabas sa Universal Sphere, isang entertainment venue sa Amerika na pag-aari ni Spielberg at ng kompanya nitong Dreamworks. Ang nasabing entertainment venue ay nasa Comcast Tower.
Nakaapat na lectures na siya sa TED Talk, isang international live talk circuit na sa paglaon ay pinalalaganap sa pamamagitan ng Internet. Parang siya pa lang ang Pinoy na nabigyan ng pagkakataong maitampok sa TED Talk.
Pinarangalan na rin siya bilang isa sa Ten Outstanding Young Men ng Pilipinas noong 2005. Kilala siya ng fashion designers at talent scout para sa commercials dahil naging fashion model siya at commercial model.
Kilala rin siya sa mga malalayong lugar sa Pilipinas at ilang bahagi ng mundo dahil sa pagpu-promote n’ya ng kanyang A Litter of Light na siyang dahilan kung bakit sumama si Bela Padilla sa kanya at kina Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal sa biyahe sa Norte.
Ganyan kasikat si Illac Diaz bilang arkitekto at social entrepreneur (na kakaibang klase ng negosyante dahil ‘di ang pagkita ng tubong milyones ang pangunahing layunin nila).
Pinagsuspetsahang maka-Duterte sina Bela at Piolo sa pagsama nila sa biyaheng ‘yon na pinamunuan ni Direk Joyce bilang nakatakdang direktor ng State of the Nation Address (SONA) sa July 27. Ang misyon ng direktora sa biyahe ay kumuha ng mga eksena na magagamit n’ya sa SONA. May authorization siya mula sa Radio-TV office ng Malakanyang para pangunahan ang biyaheng ‘yon. Siyempre pa, lahat ng sumama sa biyahe na ‘yon ay ituturing na maka-Duterte sa panahong marami na, batay sa social media posts, ang ‘di na pabor sa Pangulo.
Sina Bela at Piolo pa lang ang naglinaw na hindi sila maka-Duterte. Misteryoso si Illac dahil wala siyang pahayag. At parang ni hindi n’ya inaamin na nakasama siya sa biyaheng ‘yon.
Pero ayon sa Instagram post ni Illac noong linggong mainit na usapan ang pagri-reject sa team ni Direk Joyce na makapasok sa Sagada at Banaue, nasa Mines View Park sa Baguio City. Ang Baguio ay isa sa mga daan patungong Sagada. (Ang isa pa ay sa Nueva Vizcaya, at kabilang sa mga tatahaking daan sa ruta na ito ay ang sikat na Sta. Fe Zigzag.)
May impresibong video si Illac sa Mines View Park na ang caption ay: “A once in a lifetime experience…” Hindi n’ya binanggit kung sino ang kumuha ng panoramic shot na ‘yon sa tourist spot na ‘yon na actually ay isang napakatarik at napakalawak na bangin.
Sa pahayag ni Bela, sumama siya sa biyahe para mapakunan siya ni Illac ng mga eksenang may kinalaman sa A Litter of Light na project nito. Malamang ay sa Baguio City kinunan ang eksena ni Bela.
Hindi n’ya nilinaw kung saang lugar siya kinunan pero binigyang-diin n’ya sa Instagram post n’ya na nakunan ang eksena n’ya para sa A Liter of Light. Nang matapos siyang makunan (at posibleng si Bb. Bernal ang nagdirehe niyon) at napag-alaman n’yang dideretso pa sa Sagada ang Bernal team para kumuha ng mga eksena para sa SONA, agad siyang nagpaalam na ayaw n’yang sumama sa ganoong proyekto, at handa siyang bumalik mag-isa sa Mandaluyong, Metro Manila, na roon siya naninirahan.
Dahil walang pahayag hanggang ngayon si Illac, walang linaw kung sumama pa siya kina Piolo at Direk Joyce sa Sagada at Banaue.
Alam n’yo bang naging aktor noong 1990s si Illac na pamangkin ng 1969 Miss Universe na si Gloria Diaz? Ang kapatid na lalaki ni Gloria na si Ramon ang ama ni Illac. Ang nanay n’ya ay si Silvana Diaz, isang Italyana na may-ari ng isang sikat na gallery sa bansa.
Ang isa sa mga pelikulang nalabasan ni Illac ay ang Akin ang Puri na pinagbidahan ni Ruffa Gutierrez sa Regal Fims na idinirehe ni Toto Natividad noong 1996. Supporting lang ang role ni Illac. Sina Dennis Roldan, Ricky Davao, at John Estrada ang mga pangunahing bituing lalaki sa pelikula na ang istorya ay ang paghihiganti ng isang babaeng na-gang rape (pero hindi isa si Illac sa rapists).
Naidirehe na ni Bernal si Illac sa isang maikling role sa Last Night noong 2017. Sina Piolo at Toni Gonzaga ang mga bida sa nasabing pelikula na ipinrodyus ng Star Cinema at ng Spring Films, na magkasosyo sina Piolo at Direk Joyce bilang producers.
Natatandaan n’yo ba kung sino ang scriptwriter ng Last Night?
At ‘yon ay walang iba kundi si Bela. Talagang hilig din naman ni Bela ang maging scriptwriter. Sumali siya sa scriptwriting workshop ni Ricky Lee noong nakaraang taon.
Kung ‘di pa malinaw kung maka-Duterte o hindi si Illac, malinaw naman, ayon sa Instagram post n’ya, na sinuportahan n’ya ang pagri-renew ng ABS-CBN franchise.
Ang A Liter of Light ay nagsimula bilang isang lampara na gawa sa boteng plastic na may lamang magkahalong tubig at bleach (na may chlorox) na ipinupuwesto sa isang butas sa bubong ng mga bahay na walang koryente. ‘Pag tinamaan ng liwanag ng araw ang bleach at tubig sa boteng plastik, nagbibigay-liwanag ito sa loob ng mga dikit-dikit na bahay na ni walang mga bintana kaya madilim ang buong kababayan.
Dahil ‘pag may araw lang may silbi ang lamparang ‘yon, umimbento si Illac ng isa pang lampara na may maliit na solar storage panel, at pwedeng gamitin kahit na sa gabi at kung bumabagyo.
Lumilikom ng pondo si Illac para makapagpadala siya nang libreng solar lamp sa mga lugar na napakadukha ng mga tao para bumili ng ganoon.
Tuwing nagpapadala ng solar lamps ang A Liter of Light, may kasamang pagtuturo ‘yon kung paano magri-repair ang lampara gamit ang mga materyal na matatagpuan sa mismong komunidad.
Sa mga maaaring nag-iisip na dagdag pollution pa ang mga boteng plastik, actually ay may pinalaganap din si Illac na teknolohiya na nagagawang construction blocks ang mga boteng plastik na pinupuno ng maliliit na kalat na plastik o kaya ng semento.
Fifty years old na si Illac pero mukhang 25 to 35 lang siya. Tingnan n’yo ang mga larawan n’ya sa Instagram n’yang @illacdiaz. Wala kaming natulikap na item sa Internet na nagbabalitang ikinasal na siya o may ka-live-in na.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas