NAKAUWI na sa bansa ang mahigit 78,000 overseas Filipino (OFs) dahil sa epekto ng COVID-19
Sa pinakahuling tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), may panibagong 10,369 OFs mula sa iba’t ibang bansa ang natulungan ng pamahalaan para makabalik sa Filipinas.
Pumalo na sa 78,809 Pinoy overseas ang nakabalik sa bansa nang magsimula ang pamahalaan sa ginagawang COVID-19 repatriation simula noong Pebrero 2020.
Ang mga nailikas kahapon ay mula sa bansang France , The Netherlands, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates, United States of America at Vietnam.
Sa naturang bilang, 47.16 percent o 37,166 OFs ay sea-based habang ang 52.84 percent o 41,643 OFs ay land-based.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensiya para sa marami pang flights lalo sa Middle East na may pinakamalaking kaso ng overseas Filipinos na apektado ng pandemya.
Ngayong linggo umaabot sa 6,681 Pinoy overseas ang natulungan sa Gitnang Silangan. Ito ay mula sa bansang UAE, Saudi Aarabia, Qatar , Bahrain at Kuwait.
Bukod dito, tinulungan din na makabalik ang may 1,628 stranded Filipinos mula sa Asia- Pacific region partikular na sa Hong Kong SAR, Maldives, Myanmar, South Korea, at Sri Lanka.
Nagpapatuloy ang paglilikas sa mga stranded seafarers mula sa Europe.
Ang DFA katuwang ang Philippine embassies/ consulates at mga attached agencies sa buong mundo at patuloy ang pagtulong para makauwi sa bansa ang mga OF bunsod ng patuloy na health crisis dahil sa pandemyang Covid-19.
(JAJA GARCIA)