BIGLANG hindi sa Pilipinas lang pinag-usapan ang pambabalahura sa kababaihan kundi sa Amerika na rin uli. At ‘yan ay dahil ang sikat na singer doon na si Justin Bieber ay pinagbintangan ng tatlong babae na minolestiya sila ng pamosong mang-aawit sa magkakahiwalay na insidente at isang film-TV producer naman ang isinakdal na sa korte ng apat na babae dahil sa umano’y pagsasamantala sa kanya.
Ang film-TV producer ay si David Guillod na naka-detain pa rin sa California nang lumabas ang balitang ito sa California, USA.
Ang mga bintang kay Justin ay sa Twitter pa lang ipinahayag ng tatlong babae, ayon sa report ng Newsbeat ng BBC News. Pero ang dalawa sa kanila ay biglang binura ang tweet, kaya’t ‘di na ‘yon pinansin pa ni Justin matapos n’yang ideklarang walang katotohanan ang mga bintang na iyon. Isa sa mga bintang sa Twitter ay ni hindi ipinabatid ang pangalan ng babaeng biktima.
‘Yung pangalawa ay ipinakilala ang sarili bilang Danielle. Ayon sa pahayag n’ya, pinagsamantalahan siya ni Justin noong March 9, 2014 sa Houston, Texas.
Sa kuwento ni Danielle, pagkatapos ng isang surprise performance ni Justin sa harap ng maliit na crowd sa isang bar na kinabibilangan n’ya, niyaya siya ni Justin at dalawa pang kaibigan na magpunta sa isang Four Seasons hotel sa Austin,Texas. Sa paglaon ay dinala umano siya ni Justin sa isang kuwarto at nilapastanganan doon.
Hindi umano ipinagtapat ni Danielle ang naganap kahit kanino pero sa paglaon ay nangailangan siya ng multiple therapy sessions na may kaugnayan sa alaala ng paglapastangan sa kanya.
Ipinagtapat na rin n’ya sa ilang kaibigan at miyembro ng pamilya ang rape incident.
Dahil patuloy na kumakalat ang tweet ni Danielle, nagpasya si Justin na maglabas ng umano’y mga ebidensiyang wala siya sa nabanggit na hotel sa petsang idiniin ni Danielle. Ginawa n’ya ang paglalabas ng mga ebidensiya matapos siyang makipag-usap sa asawa n’ya at sa management team n’ya.
Sa pamamagitan ng kanyang Twitter, naglabas siya ng screenshots ng mga artikulo at mga resibo na umano ay nagpapatunay na kasama n’ya noong araw na ‘yon ang noon ay girlfriend n’yang si Selena Gomez.
Hindi raw sa Four Seasons Hotel sila nanuluyan kundi sa isang AirBnB, kasama ang ilang kaibigan.
Nagpakita rin si Justin ng screenshot ng isang tweet na noong March 10, 2014 ay nasa isang restoran siya sa Four Seasons Hotel, hindi noong March 9.
Ang mga resibo sa AirBnB na ipinakita ni Justin ay nakapangalan sa isang Mike Lowery dahil ‘yun umano ang ginamit n’yang pangalan.
May isa pang alegasyon ng rape laban kay Justin mula sa isang nagngangalang Kadi. Sa isang hotel umano siya nilapastangan ng singer noong May 2015. Hindi pa n’ya sinasagot ang bintang.
Samantala, ayon sa report ng Agence France-Press (AFP) , multiple rape, sexual assaults, at kidnapping ang isinampa laban sa Hollywood executive na si David.
“He faces a total of 11 felony charges for the incidents spanning back to 2012, and a maximum sentence of 21 years to life in prison, Santa Barbara prosecutors said,” ayon sa AFP.
Ang mga nagsakdal sa kanya ay apat na babaeng mga taga-California.
Si Guillod ang executive producer ng mga pelikulang Atomic Blonde at Extraction.
Noong nakaraang taon, ang mainit na usapan sa Amerika tungkol sa rape ay may kaugnayan sa napakasikat na producer na si Harvey Weinstein na nahatulan na ng 23 taon sa bilangguan.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas