MUKHANG mas titindi pa ang kasikatan sa buong mundo ng South Korean boyband na BTS. Ito ay dahil sa nangako ang cultural minister ng South Korea na si Park Yang-woo na opisyal na susuportahan ng pamahalaan ang mga kompanya ng musika sa Korea para mas higit pa silang makilala sa labas ng bansa.
Pero sa kasalukuyan, ayon sa news website na pinkvilla.com, ang BTS ng South Korea ang pinakasikat na boyband sa Japan, batay sa rami nang naibentang album sa Japan nitong unang anim na buwan ng 2020. Ang album na ‘yon ay ang Map of the Soul: 7.
May isa pang napabalitang napakalaking accomplishment ang BTS sa ibang bansa nitong mga nakaraang araw lang. Ang Rolling Stone magazine ng Amerika ay napili ang album ng BTS na Map of the Soul: 7 na mapabilang sa The 50 Best Albums of 2020 So Far.
Sa Japan, ayon sa Oricon magazine, ngayon na lang naulit ang ganoong pangyayari na ang isang ‘di-Hapon na grupo ang may pinakamalaking benta ng album. Huling nangyari ‘yon noong 1984, sa album na Thrilla ni Michael Jackson. Umabot sa 429, 000 copies ang benta ng album ng BTS sa Japan, ayon pa rin sa Oricon.
Ang Map of the Soul: 7 ay naging pinakamalaki rin ang benta mula noong February 2020 sa basehang daily, weekly, at monthly. Noong February ini-release ang album sa Japan.
Noong nakaraang taon naman, ang BTS ay naging No. 3 sa album chart ng Oricon para sa unang kalahating taon. Ang naturang album ay ang Map of the Soul: Persona.
Idinagdag pa ng report ng pinkvilla.com na ang BTS ay ang kauna-unahang male artists na pawang mga babae ang nangunguna sa bentahan ng mga album. Noong 2017 pa huling naging topnotcher sa bentahan ang mga lalaki at ito ay ang Japanese group na SMAP.
Sa July 15 ay iri-release sa Japan ng BTS ang Korean album nilang Map of the Soul: 7 ~ The Journey.
Tungkol naman sa award ng Rolling Stone sa BTS, iniulat ng magazine na ang Map of the Soul: 7 ay itinuturing na, “BTS’s most smashing album yet, showing off their mastery of different pop styles from rap bangers to slow-dance ballads to post-Swedish electro-disco to prog-style philosophizing. The seven members have been together seven years, and it’s inspired them to sum up where they’ve been even as they look ahead to their future.”
Ang Map of the Soul: 7 ay ang nag-iisang Korean album na pinarangalan ng Rolling Stone. Walang ranking na mula 1 to 50 ang parangal. Kumbaga ay itinuring silang pantay-pantay.
Tungkol naman sa pagpupulong ng South Korean cultural minister, ito ay naganap noong June 19, ayon sa The Korea Herald/Asia News Network.
Kabilang ang top executive ng kompanyang Big Hit Entertainment na namamahala sa BTS sa mga inimbita sa roundtable meeting. Ang iba pang inimbita ay ang top executives mula sa SM Entertainment, JYP Entertainment, FNC Entertainment, at Starship Entertainment.
Ang BTS ang kinikilalang grupo na kumita nang napakalaki sa isang online concert na karaniwan nang walang bayad.
Ang naturang pay-per-view concert ay ang BANG BANG CON The Live Event na idinaos noong June 14.
Ayon sa website na www.musicbusinessworldwide.com, umabot sa 756,600 ang viewers ng pagtatanghal at ang mga nanood ay mula sa 107 regions ng mundo.
Ayon naman sa Big Hit ang bilang ng nanood ay katumbas ng viewers sa 15 aktwal na pagtatanghal sa isang venue na ang bawat isa ay may 50,000 tao na kapasidad.
Ayon sa nabanggit na website, umabot sa halos $20-M ang nabentang ticket para sa concert.
May ticket na $35 ang isa kung pre-ordered, at $26 para sa BTS fanclub members. Ayon sa Big Hit, ang BTS fanclub ay nadagdagan ng 10,000 members dahil sa concert.
Ibang klase na talaga ang kasikatan ng BTS!
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas