Thursday , December 19 2024

Mga pelikula at seryeng BL, normal sa panahon ng Covid-19

LIMANG Pinoy Boys Love series, kasado na.”

 

‘Yan ang ulo ng isang ulat tungkol sa isang klase (o “genre” sa Ingles) ng serye na mukhang magiging bahagi na ng new normal sa Pinoy showbiz sa panahong ito ng pandemyang dulot ng Covid-19.

 

At ang ibig sabihin ng Boys Love (BL) ay ang pag-iibigan ng  kapwa lalaki. Mga kabataang lalaki na hindi halatang mga bading, lalo pa’t matitipuno ang katawan at batak sa gym.

 

BL na ang bagong tawag sa gay films dito sa bansa at sa kalakhang Asia. Parang sa Thailand ito nagsimulang bansagang “BL films”—‘di na “gay movies.” Isa sa BL movies na gawa sa Thailand na napanood ng mga ladlad at tagong bading na Pinoy ay ang 2gether.

 

Sikat na puntahan ng lahat ng klase ng bading ang mga beach resort sa Phuket, Thailand. Sikat din ang nasabing bansa sa mga bading na gustong mabilis at ‘di-kamahalang pagpapaopera para magpalit ng kanilang kasarian.

 

Marami nang nagawang gay films sa Pilipinas noong mga nagdaang taon, pero ang ipinakikita sa karamihan sa mga iyon ay ang komersiyal na relasyon ng male sex worker (pwedeng call boy, masahista, o dancer sa gaybar). ‘Yon siguro ang isang dahilan kaya hindi tinawag ‘yon na BL movies. Ang yumaong direktor na naging National Artist for Film na si Lino Brocka ay may sumikat na gay films, halimbawa’y ang Tubog sa Ginto na nagtampok kay Eddie Garcia bilang bading; Tatay Kong Nanay, na si Dolphy naman ang bading. Pero ‘di makaklasipika ang mga iyon na BL dahil hindi naman tungkol sa pag-iibigan ng dalawang lalaki.

 

Ang isang totoong BL film na Pinoy dahil istorya talaga ‘yon ng dalawang lalaking nag-iibigan ay ang Rainbow Sunset na nagtampok sa senior citizen actors na sina Eddie at Tony Besa, na idinirehe ng magiting na si Joel Lamangan (na may ilang gay films na idinirehe). Award-winning at box office hit na entry ‘yon sa 2018 Metro Manila Film Festival. 

 

Sa istorya ay nagkaasawa pa ng babae ang character ni Eddie pero nagpatuloy pa rin ang pag-iibigan nila ng character ni Tony. Kinailangan pa ngang ipagtanggol ng character ni Eddie sa mga anak n’ya ang relasyon nila ni Tony.

 

Ang stage actor mula sa University of the Philippines na si Ross Pesigan ang gumanap na batang Eddie. Bago ang Rainbow Sunset ay nakahanap na rin siya ng isang tunay na BL short film sa mga International film Festival lang ipinalabas.

 

Masasabing “normal” na ang mga pelikula at seryeng”BL” dahil nakilahok na sa genre na ito ang ABS-CBN sa pamamagitan ng Black Sheep, isang dibisyon ng Star Cinema (na ang opisyal na pangalan ay ABS-CBN Films).

 

Hello, Stranger ang unang serye na ipinrodyus ng BlackSheep at tampok dito sina Tony Labrusca at JC Alcantara na idinirehe ni Petersen Vargas na may ilang pelikula na ring naidirehe, kabilang na ang 2 Cool 2B 4gotten, isang BL movie rin pero ‘di pa ganoon ang tawag nang ipinalabas ito ng 2018 bilang entry sa Cinema One Originals digital films festival (na proyekto rin ng ABS-CBN.)

 

Si Labrusca ang pinakasikat sa mga artistang gumaganap sa BL movie, bagama’t ito ang kauna-unahang pagganap n’ya sa BL movie.

 

Sumikat si Tony nang husto nang nakasama siya ni Eddie sa award-winning film na ML na unang ipinalabas bilang entry sa Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines. 

 

Tumunog pang lalo ang pangalan ni Tony nang itambal siya kay Angel Aquino sa May-December love affair na Glorious, na sa iWant unang itinanghal.

 

Si JL Alcantara ay produkto rin ng ABS-CBN. Nasa cast siya ng seryeng Halik ng network noong 2018.

 

Nasa cast din ng bagong BL serye sina Vivoree Esclito, Patrick Quiroz, Gillian Vicencio, at Miguel Almendras.

 

Ngayong Miyerkules, sa Facebook page at YouTube channel ng Black Sheep nagsimulang ipalabas ang Hello, Stranger. 

 

May nakatakda na ring itanghal na BL series na ang titulo ay #My Day, produced Oxin Films. Pinagbibidahan ito ng mga baguhang sina Miko Gallardo at Aki Torres. 

 

Si Miko ay dating finalist ng Bidaman contest sa It’s Showtime ng ABS-CBN. Ang direktor nito ay isang nagngangalang Xion Lim. ‘Yon ang pangalan n’ya at hindi ‘yon si Xian Lim, ang aktor na boyfriend ni Kim Chiu.

 

Habang isinusulat ito ay naka-65,800 views na ang 53-second official teaser ng #MyDay, na in-upload noong Hunyo 9 sa YouTube channel ng Oxin Films.

 

Noong Mayo lang naman nagsimulang magpalabas sa iWant streaming platform ng ABS-CBN ng BL series na gawa rito sa Pilipinas. Ang naunang series ay ang Game boys na ang nagprodyus ay IdeaFirst Company ng gay couple na Perci Intalan at Jun Lana na nagprodyus din ng naging hit na MMFF entry na Die Beautiful. 

 

Ayon sa isang ulat, naka-71K views sa loob ng 24 hours ang unang episode ng Gameboys. In-upload ito noong Mayo 22, Biyernes ng gabi, sa YouTube channel ng IdeaFirst Company.

 

Pass or Play ang titulo ng unang episode na nagtatampok kina Elijah Canlas at Kokoy de Santos, isa sa gumanap na batang sex workers sa Fuchabois sa nakaraang Cinemalaya Festival.

 

Sobrang happy si Kokoy dahil nagustuhan ng maraming netizens ang first episode ng Gameboys na ang haba ay halos 11 minuto lang.

 

Ayon pa kay Kokoy, may mga nag-effort pang gawan iyon ng subtitles sa iba’t ibang wika (English, German, French, Spanish, Italian, Portuguese) para maintindihan ng BL fans sa iba’t ibang bansa.

 

Ang stage director na si Andrew Payawal ang namahala sa unang episode ng Gameboy, mula sa panulat ni Ash M. Malanum (manunulat) ang istorya nito.

 

May isa pang BL serye, Sakristan, na ipinalalabas na sa

Vincentiments YouTube Channel na may 3.5 million followers at 480M total Facebook views. Nag-umpisa itong ipalabas noong May 17 at 12 midnight. Idinirehe ito ni Darryl Yap na siya ring gumawa ng naging hit sex-comedy movie na Jowables na nagtampok sa mag-sweetheart in real life na sina Kim Molina at Jerald Napoles. 

 

Bida sa Pinoy BL series sina Henry Villanueva sa role Christian at si Clifford Pussing bilang Zach.

 

Maliit lang ang production budget ng BL movies dahil maliit lang din naman ang cast ng mga ito kaya’t malamang na maraming independent filmmakers at film companies ang sumakay sa trend na ito. BL movies and series na ang mauusong “new normal” sa industriya ng serye at pelikula sa bansa.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Vilma Santos Liza Araneta Marcos Tirso Cruz III Christopher de Leon

Unang Ginang Liza Marcos pangungunahan pag-angat naghihingalong industriya ng pelikula 

HATAWANni Ed de Leon NGAYON lang yata muli tinitingnan nang husto ng gobyerno ang entertainment …

Marco Gallo Heaven Peralejo

Heaven at Marco ‘hiwalay’ muna ngayong Pasko 

I-FLEXni Jun Nardo BAD break up ang nangyari kina Heaven Peralejo at aktor boyfriend nito. Naging mitsa …

Yasmien Kurdi Ayesha

Yasmien, Sec Sonny magkikita pambu-bully sa anak pag-uusapan 

HATAWANni Ed de Leon MAKIKIPAGKITA at handang makipagtulungan ang aktres na si Yasmien Kurdi sa DepEd na …

Nadia Montenegro  Sophia Baron Geisler Mikee Quintos

Sophia sa pagpapalit ng apelyido — I’m very proud sa kung anong mayroon ako ngayon

MA at PAni Rommel Placente SA guesting ng mag-inang Nadia Montenegro at Sophia sa Lutong Bahay hosted by Mikee Quintos, napag-usapan ang  …

Bong Revilla Jr Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Bong sa magpapakilalang anak: aakuin at hindi ikinahihiya

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio KAHANGA-HANGA ang ginawang pag-amin ni Sen Bong Revilla nang matanong kung …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *