DESMAYADO si Senate committee on health chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mabagal na paglalabas ng concerned government agencies ng benepisyo na para sa mga frontliners partikular ang mga nagbuwis ng buhay sa paglaban sa pandemyang coronavirus (COVID-19).
Sa kanyang talumpati sa Senado, sinabi ni Go, nagtiwala siya sa kakayahan ng mga nasa government agency pero tulad ng nasabi niya noon pa, magsasalita siya kapag may nakita siyang mali lalo na kapag tungkol sa serbisyo at trabaho para sa tao.
Sinabi ni Go, malinaw ang polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa red tape, dapat sa loob ng 48 hanggang 72 oras, ay nakalabas na ang papeles na kailangang mailabas.
Hindi tuloy naiwasan ni Go na magtanong kung sadya nga bang pinatatagal ang proseso o walang gumagalaw.
Binigyang diin ni Go na mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi na dapat ay mabigyan ng karampatang suporta ang health workers at ang kanilang pamilya bilang pagkilala sa mga sakripisyo nila para sa bayan.
Kaugnay nito, iginiit ni Go na desmayado siya sa magkakaibang pahayag ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Health (DOH) kaugnay sa guidelines bago ilabas ang pera para sa benepisyo ng healthcare workers.
Pinagsabihan ni Go ang DBM, DOH at maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mag-usap-usap upang magkaroon ng koordinasyon.
Ikinairita ni Go ang joint issuance ng mga ahensiya para ipatupad ang isang bagay na dapat ay noon pa nila ginawa kasabay ng hamon na gumising at kumilos ang mga ahensiyang tila nagtutulog-tulugan o sadyang ‘patay’ na?
Hindi naiwasang itanong ni Go kung ano ang mararamdaman ng mga opisyal ng mga concerned agencies kung sila naman ang namatayan at matagalan sa pagbibigay ng tulong na dapat sana ay naibigay ng gobyerno. (CYNTHIA MARTIN)