IPINATUPAD ng malalaking mall sa Metro Manila ang pagbabago sa oras ng kanilang operasyon dahil sa umiiral na community quarantine sa rehiyon upang kontrolin ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Metro Manila Council chair Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ipatutupad ang adjusted mall hours mula 11:00 am hanggang 7:00 pm lamang simula kahapon, Marso 15.
Ang nasabing adjustment ay inihayag din ng Department of Trade and Industry (DTI) na agad tumalima ang SM Supermalls at Robinsons Malls.
Batay sa Facebook post ng Robinsons, ang lahat ng Robinsons supermarket sa lahat ng branch ay mula 9:00 am hanggang 7:00 pm ang operasyon.
Nitong Sabado, unang sumunod sa pakiusap ng DTI ang Metro Manila Ayala Malls na tinapos ang kanilang mall hour operation bandang 7:00 pm.
Ang maagang pagsasara o pagtatapos ng mall hours operation ay bilang bahagi ng kanilang hakbang para maprotektahan ang publiko at sa umiiral na 8:00 pm – 5:00 am curfew hour sa buong Metro Manila o National Capital Region (NCR) na nasa ilalim ng community quarantine mula 15 Marso hanggang 14 Abril kasunod ng deklarasyon ng Code Red Sub-Level 2 dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nahawa sa naturang virus.
(JAJA GARCIA)