KUNG sabihin nga nila, ”all is water under the bridge.” Sa kabila ng panawagan para i-boycott ang pelikula ni Aga Muhlach ng isang political group, kumita pa rin naman ang kanyang pelikula. Huwag na nating sabihing hindi umepekto ang paninira, dahil sa mga manonood ng pelikula ay nanaig pa rin ang kredibilidad ni Aga bilang isang actor.
Ano ba ang pakialam ng fans sa politika? Isa pa, hindi ba bilang mamamayan ay may karapatan din namang magbigay ng kanyang opinion si Aga? Bakit may monopolyo ba ang mga politiko sa freedom of expression na nasa konstitusyon naman ng Pilipinas? Bakit noong mahigit na dalawang taong iginigisa ni Senador Trillanes si dating VP Jejomar Binay, at ngayong dalawang taon na ring binabanatan ang presidente, walang pumigil sa kanya? Ngayon bang may lumabas na ibang opinion magagalit sila?
Wala namang masamang sinabi si Aga. Ang sinabi lang ni Aga, magkaisa na muna tayo para sa bayan. Lahat ay nagsasabing may krisis. Hindi ba dapat naman na kung may krisis magkaisa talaga ang lahat para mas madaling makakita ng solusyon? Kung gagamitin ang isang krisis para sa pansariling interest iyan ang masama. Bakit may monopolyo na rin ba sa pamumuno sa bansa?
Hindi ba iyan din naman ang ipinakikita ni Aga? May panahon sumama siya sa mga dilaw, eh tapos na iyon at nakikiisa siya sa opinion na dapat bawasan na muna ang pamumolitika at magtulong-tulong para makabawi ang bayan, hindi ba tama iyon?
Hindi rin namin alam kung anong lugaw ang nakain ng mga taong iyan, o mga naka-shabu ba kaya ganyan ang klase ng pangangatuwiran. Mabuti walang nakinig sa kanila. Iyong fans nanood pa rin ng pelikula ni Aga. Ano ba ang pakialam nila kung ano man ang kulay ng politika ng mga tao, basta nasiyahan sila sa panonood nila ng pelikula, manonood sila. Iyan namang nananawagan ng boycott sa pelikula ni Aga, talaga namang hindi nanonood ng sine ang mga iyan. Nagra-rally lang ang mga iyan, hindi iyan nanonood ng sine.
HATAWAN
ni Ed de Leon