PAPURI ng critics at ng social media users, walang major effect sa kita ng entries sa Pista ng Pelikulang Pilipino.
Hindi man natuwa ang critics sa A Day After Valentine’s nina Bela Padilla at JC Santos, ito pa rin ang nanguna sa kita sa takilya sa Pista Ng Pelikulang Pilipino 2018 (PPP) na nagtapos na officially noong Augus 21 (bagama’t extended ito sa film festival naman na Lokal.)
Ayon sa ulat, P65.5-M ang kinita ng entry na ‘yon ng Viva Films na idinirehe ni Jason Paul Laxamana.
Nasa kakatwang posisyon ngayon si Direk Jason Paul—dahil ‘yung isa pa n’yang entry, ang Bakwit Boys, ay pang-apat lang sa laki ang kita sa walong entries. Umabot sa P6.3-M ang kita ng Bakwit Boys pero katabla nito ang We Will Not Die Tonight, isang action movie na halos isumpa ng mga kritiko ang umano’y “kapangitan” nito. Si Erich Gonzales ang pangunahing bituin ng pelikula, sa direksiyon ni Richard Somes.
Well-promoted sa social media ang Bakwit Boys at maganda rin ang mga review sa pelikula.
Ang pumangalawa sa takilya ay ang Unli Life ng Regal Films, tampok si Vhong Navarro. Hindi hit sa critics ang pelikula, na si WinWyn Marquez ang leading lady. Nasa cast din ang ama ni WinWyn na si Joey Marquez. Ang baguhang si Mike Livelo ang nagdirehe ng pelikula.
Pumangatlo sa takilya ang Ang Babaeng Allergic sa Wi-Fi, tampok si Sue Ramirez, sa direksiyon ni Jun Lana. Sikat ang pelikula sa social media network dahil young stars ang tampok sa istorya.
Panglima sa laki ng sa kita sa box office ang Pinay Beauty na nagtampok kina Chai Fonacier at Edgar Allan Guzman, sa direksiyon ni Jay Abello.
Pinarangalan ng Critics’ Choice Award ng PPP ang Signal Rock, tampok si Christian Bables, sa direksiyon ng beteranong si Chito Rono, pero pang-anim lang ito sa kita.
Ang pampito sa takilya ay ang Madilim Ang Gabi na nagtampok kina Phillip Salvador at Gina Alajar sa direksiyon ni Adolf Alix Jr..
Hindi na-hit ng PPP ang target box office income nito na P210-M. Mas mahal ang tiket sa taong ito ng PPP kaysa last year, P150 lang ang tiket last year pero umabot ng P280 this year.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas