ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
AMINADO si Ms. Virginia Rodriguez – president at chairperson ng Leave Nobody Hungry Foundation Inc. na idol niya ang kilalang beauty guru na si Mader Ricky Reyes.
May project ang kanyang foundation na nagbibigay ng free seminar at training sa paggugupit ng buhok, kaya inusisa namin kung tinutulungan ba siya rito ni Mader Ricky dahil mayroon itong ginawang project noon na Suklay at Gunting, o sarili ba niya itong project?
Esplika ni Ms. Virginia, “Actually, sarili ko po ito pero since idolo ko si Mader Ricky, napakabait po kasi niya at kaibigan natin iyan… Inidolo ko kasi siya, nasundan ko sa kanya yung pagpapatayo ng salon at the same time ay mayroon siyang free training and seminar. Then pagka-graduate ng mga estudyante, roon papasok sa salon niya.”
Sinabi rin ni Ms. Virginia na tipong kumuha siya ng tip kay Mader Ricky ukol sa bagay na ito. “Medyo, nang nakausap ko kasi si Mader ay napakabait at nakita ko naman ang pagkilos ng Diyos sa buhay niya, talagang very successful si Mader Ricky. So, isa siya sa mga inidolo ko pagdating sa salon at sa pagpapaganda.”
Aniya pa, “Mas tinututukan ko po itong Leave Nobody Hungry Foundation dahil nagkaroon po tayo ng free training and seminar para sa ating mga kababayan na gustong kumita at pangtulong din po ito para sa pamilya.”
Kabilang sa purpose ng foundation ay magbigay ng trabaho at mag-alleviate ng hunger sa mga Filipino.
Esplika pa niya, “Mas maganda kasi po rito na pagka-graduate nila sa free training at seminar natin, papasok sila sa salon natin, ang Queen Vi Salon. Para magkaroon sila ng sariling income.”
Nalaman din namin sa kanya na after ng training ay nagbibigay pa sina Ms. Virginia ng salon kit at allowance bilang pagsisimula ng mga graduate nila. Plus, ang mga deserving graduates at trainee sa salon ay maaaring mabigyan ng 100k bilang panimulang kapital para makapagpatayo ng sarili nilang negosyo.
Si Ms. Virginia ay naging reporter noon at ngayon ay isang matagumpay na negosyante at pilantropo. Kaya kaliwa’t kanan din ang natatanggap niyang parangal. Siya ay author ng librong “Leave Nobody Hungry” at ngayon ay kolumnista ng broadsheet na The Market Monitor.
Sadyang dapat saluduhan ang adhikain ng kanilang foundation na patuloy sa pagtulong sa mga kababayang nangangailangan upang maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan.
Ang ilan sa mga proyekto at charity works ng kanilang foundation ay ang pagkakaroon ng medical missions, pagtulong sa mga Indigenous People, pag-alalay sa mga nasalanta ng kalamidad, relief operations, pagbibigay ng kaalaman at pangkabuhayan, at marami pa.
Nabanggit din niya na ang kanilang foundation ay may partnership sa Libreng Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat (LAB for ALL).
Pahayag ni Ms. Virginia, “Basta ako po, itutuloy ko lang ang mga programa ng ating mahal na First Lady, partnership po kasi ito, katuwang ng ating Leave Nobody Hungry Foundation ang LAB FOR ALL…
“Magkatuwang po kami sa pag-abot ng mga pangarap ng bawat Filipino at isa po ito sa napakagandang ginawa ng ating First Lady Liza Araneta-Marcos dahil bukas ang kanyang puso sa pagtulong at pagmamahal sa ating mga kababayan.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com