AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SA GITNA ng matinding tensiyon at ingay ng politika noong kasagsagan ng isyu ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, nanindigan si Sen. Chiz Escudero na hindi maaaring i-shortcut ang proseso.
Para kay Escudero, kahit pa politikal ang konteksto ng impeachment, nananatili itong isang legal process na kailangang sumunod sa Konstitusyon. Ito ang prinsipyong pinagtibay ng Korte Suprema kamakailan lamang.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, hindi sapat ang dami ng pirma o ang sinasabing momentum upang isulong ang impeachment.
May mga tuntunin na kailangang sundin, kabilang ang referral requirements, session-day rules, at ang one-year bar. Ito ang matagal nang punto ni Escudero sa mga diskusyon sa Senado.
Kapag may impeachment na nauna nang itinuturing na initiated, ipinagbabawal na ang paghahain ng panibagong kaso sa loob ng isang taon. Hindi ito gawa-gawa lamang ng mga mambabatas kundi nakasaad sa Saligang Batas. Ito rin ang binigyang-diin ni Escudero noong isinusulong ng House leadership na pinamunuan ni Martin Romualdez ang impeachment laban kay VP Sara.
Inilinaw din ng Korte Suprema na kahit gamitin ang 1/3 signature route, hindi ito nangangahulugang maaari nang balewalain ang Rules on Impeachment. Hindi sapat ang numero upang ibasura ang proseso. Kailangang sundin ng Kamara ang sarili nitong mga patakaran.
May due process kahit sa impeachment. Hindi ito mob rule at hindi ito trial by publicity. May pamantayan ng fairness at reasonableness. Kahit pa binatikos si Escudero ng ilang grupo, nanatili siyang matatag sa paninindigan na ang impeachment ay isang legal na proseso bago ito maging usaping political.
Sa huli, malinaw na ang proseso ay hindi teknikalidad lamang kundi proteksiyon laban sa abuso ng kapangyarihan. Ito ang eksaktong dahilan kung bakit hindi unlimited ang kapangyarihan ng Kamara.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com